Higit P18K ang sahod 50,000 TRABAHO ALOK NG DILG

NANAWAGAN ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Filipino na walang trabaho na mag-apply bilang coronavirus disease-2019 (COVID-19) contract tracers.

Ayon kay Secretary Eduardo Año, 50,000 ang kailangang COVID-19 contract tracers upang makumpleto ang target na 150,000.

Sa kasalukuyan, nasa 97,400 ang contract tracers ng DILG na nakatalaga sa iba’t ibang parte ng bansa.

Ang hiring ng 50,000 contract tracers ay nakabatay sa ipinasang Bayanihan to Recover as One Act, o Bayanihan Act 2.

Paliwanag ni Año: “Sa karagdagang 50,000 contract tracers, masusunod na natin ngayon ang Magalong formula ng pag-trace sa 37 close contacts sa isang pasyente ng COVID-19 hanggang sa ikatlong degree.”

Ang tinutukoy ng kalihim na si Magalong ay si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Unang termino pa lang ni Magalong ngayong 2019 hanggang 2022.

Siya ay retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP).

Sa nasabing formula, matagumpay na napipigilan ng pamahalaang lungsod ng Baguio sa pamumuno ni Magalong, ang pagtaas ng bilang ng mga pasyente ng COVID-19 at pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng lungsod na isa sa mga paboritong puntahan at bakasyunan ng mga Filipino.

Ang contract tracing ay isa sa mga nakikitang tamang hakbang upang masugpo ang pamiminsala ng COVID-19 sa mga Filipino.

Ang iba pa ay ang physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield.

Tiniyak ni Año na ang sahod ng bawat contract tracer ay P18,784 kada buwan.

Ang contract tracers ay ipapasa at itatalaga sa bawat lungsod at bayan.

Ayon kay Año, ang mga gagawin ng contract tracers “ay magsagawa ng mga panayam, profiling, at pagsasagawa ng initial public health risk assessment ng COVID-19 cases at kanilang identified close contacts; iendorso ang close contacts sa isolation facilities; magsagawa ng enhanced contact tracing sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensya at pribadong sektor; magsagawa ng pang-araw-araw na pagsubaybay sa close and general contacts na hindi bababa sa 14 na araw, at isagawa ang iba pang mga gawain na may kaugnayan sa COVID response.”

Ang pagbibigay ng DILG ng trabaho sa mga Filipino na nawalan ng hanapbuhay ngayong nahaharap ang bansa sa COVID-19, ay masasabing magandang balita, lalo pa’t mahigit P18,000 ang sahod kada buwan. (NELSON S. BADILLA)

94

Related posts

Leave a Comment