PINABUBUSISI ni Senador JV Ejercito sa Kongreso ang pagtugon ng gaming industry sa kanilang mandato na magkaloob ng pondo para sa kalusugan.
Iginiit ni Ejercito na dapat i-convene ang oversight committee sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso upang matukoy kung nakapagbibigay ng pondo ang PAGCOR at PCSO sa PhilHealth.
Sa impormasyon ng senador, higit sa P90 billion ng gaming revenues mula pa noong 2019 ang hindi malinaw kung naibigay sa PhilHealth.
Ipinaalala ni Ejercito na alinsunod sa Universal Health Care Act bukod sa sin taxes ay mapupunta rin sa PhilHealth ang bahagi ng kita ng PAGCOR at PCSO.
Sinabi pa ng senador na pumapaldo ang kita sa online gambling at kung ang operator nito ay hindi nagbabayad ng tama o hindi tumutupad sa obligasyon sa ilalim ng UHC ay mas lalong nawawalan ng dahilan para patuloy na pahintulutan ito.
Lumilitaw aniya tuloy na dalawa ang krisis na sabay na pumipinsala sa mga kababayan, ang laganap na adiksyon sa sugal at ang krisis ng hindi maayos na pagpapatupad ng UHC Law.
(DANG SAMSON-GARCIA)
