MAY mga media practitioner kasing nakararanas ng panghaharang at pambabastos mula sa mga pulis sa kanilang isinasagawang checkpoints sa ilang lugar sa Metro Manila.
Isa na rito ang nangyari kahapon ng madaling-araw na may naharang na media practitioner sa checkpoint ng Quezon City Police District (QCPD) sa may Commonwealth Market sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Nagpakilala siyang media practitioner hindi para magyabang kundi ipaalam sa mga awtoridad na isa siyang frontliner/essential worker.
Sa pagkakataong ito ay sinagot siya ng isa sa mga pulis sa checkpoint na ‘walang media media sa ECQ lahat sakop’.
Sa kabila ng pagsasabi ng pulis na walang media media sa ECQ hindi naman siya pinigil nito at pinaalis din siya nito pagkalipas ng ilang saglit.
Kamakailan, tinalakay natin dito sa ating pahina na maraming nightshift workers ang napeperwisyo sa mga checkpoints na ipinatutupad ng pulisya.
Lalo na ang mga call center agents na mga panggabi na nakamotor. Madalas sila ay nahaharang ng mga checkpoint ng pulisya.
Ngayon hindi na lang call center agents pati na ang media practitioner.
Suhestiyon ng PUNA sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) lalo sa Officer-in-Charge na si Lt. Guillermo Eleazar na sana bago ninyo pakawalan ang inyong mga tauhan ay siguraduhin na alam nila ang kanilang ipatutupad na batas o regulasyon.
Dapat alam nila kung sino ang frontliners/essential workers na hindi nila dapat piniperwisyo sa kanilang mga checkpoints.
Ganun din kay Spokesperson Sec. Harry Roque, pakilinaw po kung sino ang frontliners/essential workers na pwedeng lumabas sa Enhance Community Quarantine (ECQ).
Kung ayaw nyong palabasin ang frontliners/essential workers sa ECQ ibigay nyo ang kanilang pangangailangan.
Sige sagutin nyo ang mga gastusin araw-araw ng mga call center agents at media practitioners para hindi na sila lumabas upang magtrabaho.
Hirap na ang economic managers ng Pilipinas kung paano ang kanilang gagawin para lang hindi bumagsak ng tuluyan ang ekonomiya ng bansa tapos kayo halos ayaw niyong palabasin ang mga taong frontliners/essential workers.
Simple lang naman ang gagawin nyo sundin at ipatupad ang batas at regulasyon.
‘Wag kayo mag-imbento ng sarili nyong batas kasi magkakaproblema kayo.
Miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na departamento na nakakasakop sa inyo na kasama rin sa bumuo ng batas at regulasyon na inyong ipinatutupad sa mga checkpoints.
Kaya imposibleng hindi nyo alam ang sakop ng tinatawag na frontliners at essential workers.
O sadyang ayaw nyo lang talagang ipatupad ng maayos ang batas at regulasyon sa ginagawa nyong checkpoints.
‘Wag nyo nang dagdagan ang bigat na problema na dinadala ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon na may COVID-19 pandemic.
Sa halip ay tumulong kayo at gumawa kayo ng tama hindi kayo pa ang nakakaperwisyo.
Quezon City Police District Director Gen. Danilo Macerin Sir, paalalahanan nyo mga pulis nyo sa Batasan Police Station 6 kung sino ang frontliners/essential workers.
Baka kasi ‘di nila alam ang kanilang ginawa.
Pakituruan nyo na rin sila ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) baka kasi ‘di nila ito naabutan nung nag-aaral pa sila.
Kung tutuusin hanggang ngayon ay tinuturuan pa rin naman ng mabuting asal ang mga mag-aaral kaya lang sadyang may mga pasaway ata.
Wala kasing manners kung manita ang inyong mga tauhan na nagsasagawa ng checkpoints.
Kung gusto nyo talagang maresolba ang motorcycle riding in tandem tapatan nyo sila ng motorcycle unit nyo.
Kaya lang mukhang natutulog lang ata sa pansitan ang motorcycle unit ng PNP.
Bihira kasi nakakakita ang PUNA ng gumagalang motorcycle unit ng PNP eh. Anyare sa marami nyong motor?
Kaliwat-kanan ang publicity nyo pag may mga bago kayong mga motor, saan napunta ang mga iyan?
Hanggat maaari ayaw na nating magsulat ng negatibo laban sa PNP kayang lang hindi natin maaaring tanggihan ang mga reklamo.
Ganun pa man ingat na lang po tayo dahil patuloy na dumarami ang nahahawaan ng COVID-19.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0919-259-59-07.
317
