DPA Ni BERNARD TAGUINOD
HINDI ramdam ang ipinagmamalaki ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade na bumuti raw ang transportasyon sa bansa sa ilalim ng administrasyon ng kanyang among si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bago natapos ang anim na taong pamumuno ng Duterte administration, nagkaroon ng “legacy summit” ang mga bataan ni Digong at ipinagmalaki ni Mang Arthur na walang administrasyon ang nakagawa sa kanilang nagawa.
Kesyo bumuti raw ang sitwasyon sa lansangan na kung susumahin mo, para bang sinasabi nilang naresolba ang matagal nang problema sa trapiko at kakulangan ng transportasyon.
Pero ramdam na ramdam sa unang araw ng pagbubukas klase noong Lunes kung gaano kalala ang sitwasyon sa lansangan dahil ang pinakamalawak na kalsada sa Metro Manila… ang Commonwealth Avenue sa Quezon City ay nagmistulang napakalaking parking lot.
Hindi pa bumibiyahe ang lahat ng pampasaherong sasakyan nyan ha! Paano na lang kung isang daang porsyento na ang biyahe ng mga jeep at mga school bus?
Lalo ring dumami ang mga tao sa lansangan na nag-aabang ng masasakyan papasok sa kanilang trabaho at eskwelahan at gayundin pagdating ng hapon sa pag-uwi naman nila dahil limitado pa rin ang bumibiyahe.
Walang alternatibong masakyan ang mga tao kaya no choice sila kung sa jeep at bus sila sasakay dahil sa tindi pa rin ng trapik ay hindi agad nakakaikot ang mga pampasaherong sasakyan kaya natetengga sa lansangan ang mga pasahero.
Nasaan ang sinasabing bumuti ang sitwasyon sa transportasyon dyan? Nasaan ‘yung itinayong n’yong karagdagang transport system para masabi niyong bumuti ang kalagayan ng commuters?
Ipinagmalaki rin ng nakaraang administrasyon na inayos nila ang MRT 3 pero kahit ayusin n’yo yan nang ayusin kung wala namang bagong transport system ay wala pa ring mangyayari.
‘Yung Skyway na itinayo ay halos wala namang gumagamit dahil masyadong mahal ang toll fee. Hindi kakayanin ng ordinaryong motorista lalo na ang mga pampasaherong sasakyan na dumaraan dyan dahil ang kikitain nila sa isang araw ay mapupunta lang sa toll fees.
Tanging ang mga may kaya lang sa buhay ang gumagamit ng skyway araw-araw dahil kung isang ordinaryong empleyado ka lang baka maubos ang suweldo mo sa toll fee.
Kaya hindi rin talaga nakatulong ang skyway para mapaluwag ang EDSA. Mas pinipili ng mga tao na dumaan na lang dito kahit trapik para makaiwas sa napakalaking toll fee.
Sabagay, sinukuan nga pala ni Digong ang trapik sa Metro Manila dahil hindi pinayagan ng Kongreso na bigyan sila ng dagdag na kapangyarihan para mapaluwag ang lansangan na ito.
Kaya ‘yung sinasabi ng nakaraang administrasyon na napabuti nila ang buhay ng commuters at ibinalik n’yo ang kanilang dignidad ay hindi po namin ramdam. Kung baga, pinaasa niyo lang ang mga tao at binigo niyo rin.
