HINDI RAMDAM ANG TULONG NG DA BACKYARD RAISER

NAKAGISNAN ko sa ­aming pamilya ang pagiging backyard hog raiser sa ­probinsya dahil malawak ang paligid at hindi siksikan ang mga tao tulad dito sa Metro Manila na dikit-dikit ang bahay.

Noong mga bata pa kami, tuwing umaga ang assignment ko ay magtadtad ng gulay para ipakain sa mga alagang baboy na pangsuporta sa pagkain nilang darak mula sa ipinagiling na palay o kaya mais.

Wala akong ideya kung kumikita ba ang mga magulang ko sa pag-aalaga ng baboy noon pero mukha naman dahil ayaw nilang tumigil sa pag-aalaga ng baboy dahil kapag nangangailangan sila ng pera ay magbebenta agad sila ng isa o dalawang baboy.

Hindi kami bumibili ng biik dahil meron din ­kaming alagang mga inahin na nanganganak ng 10 hanggang 15 biik na siyang pinapalaki ng mga magulang ko hanggang sa mabenta.

Halos lahat ng magkakapitbahay ay nag-aagala ng baboy noon kaya malamang walang kakulangan ng supply ng karne ng baboy. Uso pa noon ang karne ng kalabaw dahil maraming nagbebenta kumpara ngayon.

Wala akong ideya kung noong panahon na ‘yun ay sinusuportahan sila ng national government pero wala akong naririnig na suporta maliban lamang noong panahon na ‘yun na hindi pa uso ang mga imported feeds dahil sa darak pa lamang ay kontento na ang mga backyard raisers.

Hanggang ngayon ay meron pa naman nag-aalaga pero kumpara noon, komonti na sila, Hindi ko sila masisisi dahil pamahal ng pamahal ang mga feeds ng baboy habang patagal ng patagal.

Tatlong klase ng feeds ang ipinapakain, Iba ang feeds ng mga biik pa lamang, iba kapag medyo lumaki na sa ikalawang buwan nila at iba naman kapag pangatlong buwan na hanggang sa maibenta.

Kapag wala kang puhunan huwag ka na lang mag-alaga dahil mas malaki ang gastos sa pagkain ng mga baboy kumpara sa pagkain ng pamilya. Uunahin mo siyempre ang pagkain ng mga anak mo kesa sa baboy.

Halos wala na kasing nagpapagiling ng mais at palay para magkaroon sila ng darak dahil pagka-ani benta agad dahil dagdag na gastos lang kasi ang pagbibilad ng 3 hanggang 5 araw.

Hindi na rin uso kasi ang nakikigapas tulad noong bata pa kami. Noon kasi, wala pang mga makina na naggagapas kaya tuwing gapasan o anihan, tatawagin mo yung nagtanim ng palay o mais mo para mag-ani at meron siyang tinatawag na tersya o parte na siyang ipapanggiling nila para magkaroon sila ng bigas at ang darak ay ipapakain nila sa kanilang alagang baboy.

Ang pagtatanim ngayon ay kontrata na at cash na babayaran o kaya ay makina na mismo kaya wala ka ng makukuha na magtatanim dahil ang katwiran ng mga tao “bakit kami magtatanim eh makina naman ang mag-aani”. May katuwiran naman sila doon.

Mula nang mauso ang makabagong teknolohiya (na hindi galing sa gobyerno ha), ay nawalan na rin ng darak ang mga tao kaya hindi na sila nag-aalaga ng baboy na pangsuporta sana sa kanilang buhay.

Yung mga nag-aalaga ay may pambili ng feeds na sabi ko nga ay pamahal ng pamahal at kung kukuwentahin mo ang gastos sa pagkain ay kakapiranggot lang ang kikitain ng mga backyard hog raisers kaya marami na ang sumuko sa pag-aalaga.

Ang punto ko dito, bakit hindi kasi suportahan ng ­gobyerno ang mga hog ­raisers lalo na ang mga backyard rairser para hindi na tayo umasa sa imported na karne? Bakit hindi bigyan ng subsidy ang mga tao sa feeds?

Kung sasagutin ng ­gobyerno ang kahit kalahati o ikaapat na bahagi man lang sana ng mga feeds ay baka marami ang ma-engganyong mag-alaga ng baboy sa mga probinsya at hindi tayo ­magkukulang ng supply ng karne.

Ngayon kasi kapag nag-alaga ka ng baboy, nagtanim ka ng palay, mais at iba ay bahala ka sa buhay mo. Hindi ramdam ang tulong ng ­gobyerno. Kung tumutulong man ang gobyerno yung mga kooperatiba lang ang tinutulungan at hindi ang mga ­maliliit na backyard hog raisers na kung pagsama-samahin ay mas malaki ang nai-aambag na supply kesa sa mga kooperatiba.

136

Related posts

Leave a Comment