CAVITE – Hindi pa nagkakamalay ang 66-anyos na lalaki makaraang mahulog mula sa hagdanan nang hilahin ng mag-asawa na kanyang nakasagutan sa Imus City.
Unang dinala sa Ospital ng Imus ngunit inilipat sa Philippine General Hospital ang biktimang si Joaquin Buison, ng Brgy. Pag-asa 2, Imus City.
Inaresto naman ng mga awtoridad ang mag-asawang Bobby, 54, at Gemma Sollegue, 46.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. John Carlo Punzalan ng Imus City Police, dakong alas-3:00 ng hapon noong Lunes nang magtungo ang biktima sa bahay ng mag-asawa.
Ang pakikipag-usap ng biktima sa mag-asawa ay humantong sa pagtatalo hanggang itaboy siya ng mga ito at hinila.
Sa pangalawang paghila ay nawalan ng balanse ang biktima dahilan upang mahulog mula sa hagdanan at tumama ang ulo sa semento at nawalan ng malay.
Hindi naman binanggit ng pulisya ang dahilan ng pagpunta ng biktima sa bahay ng mag-asawa at kung ano ang kanilang pinagtalunan. (SIGFRED ADSUARA)
92
