SA gitna ng mga problemang kinakaharap ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa, napapanahon ang pagtatalaga ng overseas Filipino worker (OFW) czar sa katauhan ni Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ito ng Advocates and Keepers Organization of OFW Inc. o mas kilalang AKOOFW Party-list sa kanilang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections sa Tent City Manila Hotel sa lungsod ng Maynila.
Sa pagtatanong ng mga mamamahayag Kay Dr. Chie Umandap, ang first nominee ng AKOOFW Party-list, sinabi nito na mas makabubuti na magkaroon muna ng pagkakaisa sa ating mga opisyal ng pamahalaan lalo na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara.
Panawagan ni Umandap na kung maaari ay maitalaga muna ni PBBM si VP Sara upang maging kinatawan o OFW czar para makipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga bansang may giyera katulad ng Israel, Lebanon at Iran upang pakiusapan ang mga ito na kahit panandalian ay magtigil-putukan upang maisakatuparan na ang isinasagawang repatriation ng ating mga OFW na ilan beses naudlot dahil hindi makalipad ang eroplano patungo sa Lebanon.
Sakaling palarin aniya na manalo sa halalan ay isusulong ng AKOOFW ang pagkakaroon ng OFWs pension plan, pabahay, no collateral loan para sa lahat ng mga OFW at dating OFWs, OFW hospital ward sa PGH at lahat ng Regional Hospital.
Iginiit din ni Umandap na ang kanilang pangunahing layunin ay masiguro ang karapatan ng lahat ng mga OFW partikular na ang kababaihang OFWs.
Titiyakin din aniya ng AKOOFWs na masiguro ang pag aaral ng mga anak ng mga OFWs.
Isusulong din ng AKOOFW ang financial literacy hindi lamang sa mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa kundi maging sa kanilang pamilya.
Tuturuan aniya ang pamilya sa financial literacy para sa pagtayo narin ng negosyo upang habang kumikita ang OFWs kumikita narin ang kanilang pamilya sa Pilipinas sa halip na umasa sa padala.
Ani Umandap, sa ganitong paraan tuloy-tuloy ang pag-ahon sa kahirapan ng mga OFW at ng kanilang pamilya.
Ipinagmalaki rin ng AKOOFW na sila ang nanguna sa panawagan ng pagpapatayo ng OFWs Hospital sa lalawigan ng Pampanga na kanilang isa sa mga adbokasiya.
Aniya, taon 2017 nang sumulat sila kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pagkakaroon ng OFWs Hospital na natupad naman kalaunan.
Dagdag pa ni Umandap, isusulong din ng AKOOFW ang pagkakaroon ng OFWs Hospital Ward sa mga Provincial Hospital at Regional Hospital lalong lalo na aniya sa Philippine General Hospital.
Ang mga nominado ng AKOOFW Party-list ay sina: 1. Dr Celerion “Chie” Umandap, 2. Marlon P. Valderama, 3.Vince Joshua Manalac, 4.Joseph Timothy Rivera, 5. Alfahmie Salapuddin Mustafa, 6. Cesar J.Gervacio, 7. Menardo G. Alcoba, 8.Lolita S. Gattuc 9. Jayson A.Marticio 10. Frederick F. Makasakit.
107