Hirit ng dating kongresista PEOPLE’S UNITY KONTRA OIL DEREGULATION LAW

NANAWAGAN ng pagkakaisa ng publiko si dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao laban sa Oil Deregulation Law kasunod ng panibagong big time oil price hike na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis kahapon.

Bukod sa pag-amyenda sa nasabing batas, kailangang magkaisa na aniya ang mga Pilipino para igiit sa gobyerno na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan na kumilos na laban sa oil price hike, kagyat ay sumama sa panawagang suspendihin ang excise tax at VAT sa produktong langis, at puspusin ang pagpapawalambisa ng Oil Deregulation Law,” pahayag ni Casilao.

Ugat aniya ang nasabing batas at maging ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa krisis na nararanasan ngayon.

Sinabi ng mambabatas na noong nakaraang administrasyon pa nila ipinanawagan ang pagbasura sa nasabing batas na nagbigay sa mga kumpanya ng langis ng karapatan na magtaas ng presyo anomang oras na gusto ng mga ito.

Subalit tinabla ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pinalala pa aniya ng nakaraang administrasyon ang kalagayan ng sambayanang Pilipino nang patawan ng karagdagang buwis ang mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng TRAIN law na ipinatupad mula Enero 2018.

“Hindi dapat manahimik ang taumbayan, laluna ang mahihirap, dahil ang kakaunti na ngang budget sa bahay, na ipambibili na lang ng bigas at pagkain, ay mapupunta pa sa mga dambuhalang kumpanya ng langis, dahil nanatiling deregularized ang pagdikta nila ng mga presyo,” giit pa ni Casilao.

“Malaking relief sana kung nasuspinde ang mga oil taxes, dahil magpapababa sana ito sa mga presyo ng pagkain, bilihin at serbisyo. Pero dahil ipinagpapatuloy ito ng gobyerno, siya ay dagdag na salot na nag-a-undermine mismo ng livelihood ng mga economic sectors at mismong national economy,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

153

Related posts

Leave a Comment