HIRIT SA DOTr: JEEPNEY MODERNIZATION, STOP MUNA

DAPAT pansamantalang ipatigil ng Department of Transportation (DOTr) ang public utility vehicle (PUV) modernization program sa gitna ng matinding epekto ng pandemyang COVID-19 sa drayber at kanilang pamilya, ayon kay Senador Imee Marcos.

Sa unang pagkakataong nagsama ang mga lider ng anim na transport groups mula noong lockdown, isinumbong nila kay Marcos ang mga hinaing ng jeepney drivers sa isang meet-and-greet via Zoom.

Sinabi ni Marcos na malaking dagok sa mahihirap na drayber ng traditional jeepney ang halos pitong buwan ng community quarantine sa Metro Manila.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate committee on economic affairs, namamalimos na ang mga drayber dahil gutom na ang kanilang mga pamilya kasabay ng mga bayarin sa renta ng bahay, ilaw, tubig at pagkain sa araw-araw.

Sabi ni Marcos, naitsapwera na ang mga tradisyunal na jeep dahil mas pinaboran ng DOTr at LTFRB ang mga operator ng bus at modernized jeeps na pinabiyahe sa ruta na malakas ang kita.

“Bakit imbes na tulungan ang jeepney driver sa panahon ng pandemya, sinamantala pa ng LTFRB at DOTr ang lockdown upang ipilit ang PUV modernization program na bago pa [magka-]covid, di na kayang bilhin ng mga pobreng driver?” galit na pahayag ni Marcos.

Tinukoy ni Marcos na kahit Php80,000 ang grant at Php5,000 ang gas subsidy ng DOTr, hindi pa rin ito sapat para makabili ng isang yunit ng modernized jeep.

“The 80-thousand grant plus five-thousand gas subsidy and fixed salary for drivers are not enough to help them pay for a P1.4 to P2.2 million brand new jeepney with Euro-4 capability. The government must lighten the burden of the high cost of new units because failure to do so would mean loss of public transport for most Filipinos and loss of jobs for our drivers,” paliwanag pa ni Marcos.

Bukod dito, binigyang-diin ni Marcos na napakatagal na rin at hindi matapos-tapos ang rerouting plans ng LTFRB.

Giit pa ni Marcos, wala ring natanggap sa Social Amelioration Program o SAP ang mga drayber dahil inuna ng DSWD ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Bilang agarang ayuda sa mga namamalimos na tsuper, namigay si Marcos ng sako-sakong bigas sa UP campus, Quezon city at sa Dapitan Drivers and Operators of Jeepney Association (DADOJA) sa Maynila.

Nabiyayaan din ng sako-sakong bigas ang anim pang transport groups na kinabibilangan ng PASANG MASDA ni Obet Martin, LTOP ni Lando Marquez, STOP & GO Transport Coalition ni Jun Magno, ACTO ni Efren de Luna, FEJODAP ni Ricardo Rebano at ALTODAP ni Boy Vargas.

Ito ang unang pagkakataon na nagsama-sama ang naturang mga transport leader sa inisyatiba ni Senadora Marcos at sa tulong din ni Manila barangay chairman Leninsky Bacud at Atty. Ariel Inton. (ESTONG REYES)

140

Related posts

Leave a Comment