INAPRUBAHAN na ng Senate Committee on Trade na pinamumunuan ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang panukala upang gawing kasong kriminal ang “hoax ordering” o ang panloloko sa mga delivery riders.
Batay sa panukala, iki-criminalize ang pagsasagawa ng “hoax orders,” kanselasyon ng confirmed orders, at pagtangging bayaran ang unpaid orders.
“The recent incidents of fake booking and hoax orders are quite alarming. Those acts must be criminalized. Nagtatrabaho ang ating mga riders nang maayos. Yung iba ay inaabot pa ng madaling araw sa kalye para kumita ng pera. Hindi sila dapat niloloko,” saad ni Pimentel.
Nakasaad sa panukala, ang pag-order gamit ang impormasyon ng ibang tao para sa pagkain, grocery at pharmacy ay mahigpit na ipagbabawal sa batas.
Ipinagbabawal din sa panukala na irequire ng food, grocery, at pharmacy delivery service app providers ang kanilang delivery riders at drivers na mag-advance payment sa mga order.
Minamandato rin sa panukala na magkaroon ng mandatory reimbursement scheme ang bawat delivery service app pabor sa delivery riders at drivers kung ikakansela ang confirmed orders.
Kailangan ding ipatupad ang Know-Your-Customer (KYC) rules kabilang na ang beripikasyon ng proof of identity at residential address ng customers.
“We need a law protecting our delivery riders and drivers. It is very timely and relevant. Even after the pandemic, this measure will be relevant because we have now grown accustomed to online services,” diin pa ni Pimentel. (DANG SAMSON-GARCIA)
119
