MATAPOS isapubliko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN), hinamon din ni Act Teachers Party-list Rep. France Castro ang mga kapwa mambabatas sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco at iba pang matataas na opisyal ng Kamara na ilantad ang kanilang assets alinsunod na rin ng itinatakda sa Republic Act 6713 o An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for public officials and employees.
Ayon kay Castro, dapat ang mga nasa public service ay may transparency at accountability at ang paglalantad ng kanilang SALN ang isa sa mainam na hakbang para ipakitang wala itong tinatago.
“In the spirit of transparency, accountability and as stated in the RA 6713, all government employees and officials including my colleagues must show to the public their SALN,” pahayag ni Castro.
Matatandaan na 5 Makabayan bloc members ng Kamara ang naglabas na ng kanilang SALN kabilang sina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat; ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago.
Ang pagpapalabas ng SALN ng Makabayan Bloc members ay sa harap na rin ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang buong gobyerno sa katiwalian, bilang tugon sa hamon ay nauna na ang mga mambabatas sa pagpapakita ng kanilang transparency.
Sinabi ni Gabriela Party-list Rep Arlene Brosas na kung may sinseridad ang pangulo na imbestigahan ang korapsyon sa gobyerno at hindi divertionary tactics lamang ay maging modelo ito at pangunahan ang pagpapalabas ng SALN at sundan ito ng iba pang opisyal ng gobyerno.
Kinastigo rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang ginawang paglilimita ng Office of the Ombudsman sa access sa SALN.
Aniya, si Ombudsman Samuel Martires ang siyang dapat na lumalaban sa korapsyon sa gobyerno bilang pangunahing obligasyon ng kanyang tanggapan kaya nakapagtatakang tutol ito sa pagpapalabas ng SALN.
Kamakailan ay nailathala sa mga pahayagan ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman ng isang konsehal laban kay DPWH Regional Diretor Ronnel Tan, asawa ni Quezon Rep Angelina Tan dahil sa pagpapakita ng sobra-sobrang yaman sa publiko nang mamudmod umano ito ng P2M sa mga bisita sa kanyang birthday party, bagamat itinanggi ni Tan ang alegasyon.
Isa pa sa nais masilip sa mga SALN ay pagkakaroon ng conflict of interest ng mga government official sa hindi nito pagdedeklara ng mga ari-arian at shares of stock sa mga negosyo.
Isa na sa naging matunog sa isyu na ito si House Speaker Velasco na naiulat na may shares sa San Miguel Corp. base na rin sa report mismo ng kumpanya noong 2017 kung saan pasok sa top 100 stockholders si Velasco at 2% shares sa Petron Corp base na rin sa annual report noong 2016 kung saan isa nang kongresista si Velasco.
