HOUSING CHIEF DEL ROSARIO, BINIGYAN PA NG ISANG PAGKAKATAON NG CA

BINIGYAN pa ng isang pagkakataon ng Commission on Appointments (CA) si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo Del Rosario upang makuha nito ang basbas para sa kanyang ad interim appointment.

Sa pagdinig nitong Miyerkoles, nilinaw ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino, chairman ng Committee on Housing ng CA na huling pagkakataon na ito ni Del Rosario upang makamit ang kumpirmasyon nito sa ahensya matapos dalawang beses ipa-defer ng mga miyembro ng housing panel ang kanyang appointment bilang pinuno ng DHSUD.

Paglilinaw ni Tolentino, suspendido lamang ang pagdinig ng House panel para kay Del Rosario upang bigyan ng pagkakataon na makaboto ang mga miyembro ng kanyang komite kung aaprubahan o ibabasura ang appointment ng kalihim.

Nabatid na napilitan si Tolentino na suspendihin ang pagdinig sa kumpirmasyon ni Del Rosario, matapos magmosyon si CA Majority Floor Leader at Davao Oriental 2nd District Rep. Joel Mayo Almario dahil sa kapos na sa oras.

Ani Tolentino, ang muling pagpapaliban ng pagdinig ng CA ay magbibigay ng sapat na panahon sa ilalim ng compressed voting procedure gamit ang Zoom kung papayagan ba o hindi ang ad interim appointment ng kalihim.

Nabatid na inulan si Del Rosario ng samu’t saring tanong mula sa mga kongresista ng Mindanao bloc dahil sa mga problemang kinakaharap pa rin ng Marawi Rehabilitation Program.

Ito ang ikalawang beses na pina-defer ng ilang miyembro ng CA ang hearing sa kumpirmasyon ni Del Rosario kung saan umaasa ang mga ito na dadalo na ang kalihim. (NOEL ABUEL)

102

Related posts

Leave a Comment