Hudyat ng Kuwaresma QUIAPO, BACLARAN DINAGSA PARA SA ASH WEDNESDAY

PORMAL nang nagsimula ang panahon ng Kuwaresma sa paggunita ng Ash Wednesday nitong Miyerkoles o ang 40 araw na paghahanda ng mga Katoliko para sa pinakamahalagang yugto ng pananampalataya na kinapapalooban ng Pasyon, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Hesus.

Mahigpit ang seguridad na ipinatupad ng Manila Police District (MPD) sa paligid ng mga simbahan, partikular sa Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church, upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga debotong dumalo sa banal na misa.

Tuloy-tuloy ang pagdaraos ng misa sa Quiapo Church mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-7:00 ng gabi. Matapos ang bawat misa, saka isinasagawa ang pagpapahid ng abo sa mga debotong nakapila sa labas ng simbahan upang hindi maabala ang susunod na pagdaraos ng misa.

Ang pagpapahid ng abo sa noo ay sumasagisag sa pagsisisi at paalala na ang tao ay nagmula sa abo at sa abo rin babalik.

Samantala, maaga ring dumagsa ang mga deboto sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church upang makiisa sa paggunita ng Ash Wednesday, kasabay ng Baclaran Day na nagsimula bago mag-5:30 ng umaga.

Mahabang pila ang nabuo sa labas ng simbahan para sa tradisyunal na ritwal ng pagpapahid ng abo. Para sa maraming Katoliko, ito ay araw ng panibagong simula at pagbabalik-loob sa Diyos.

Kabilang sa mga pumila si Amelia, 82-anyos mula Batangas. Ayon sa kanya, ngayon lamang siya nakabalik sa Baclaran matapos yayain ng kanyang mga anak at apo.

Bukod sa pagdalo sa misa, naghahanda rin ang mga deboto para sa 40 araw ng panalangin, pag-aayuno, at pagsasakripisyo. Kaugnay nito, inaanyayahan ng Simbahan ang mga mananampalataya na mag-ayuno at umiwas sa pagkain ng karne. Sa ilalim ng panuntunan ng Simbahan, pinahihintulutan ang isang buong pagkain at dalawang magagaan na kainan, basta’t hindi ito katumbas ng isa pang buong pagkain.

Ang Paschal Triduum na kinabibilangan ng Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Pagkabuhay, ang rurok ng paggunita sa Kuwaresma.

Inaasahan ng pamunuan ng mga simbahan na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga deboto sa mga susunod na araw bilang bahagi ng taimtim na paggunita sa panahon ng Kuwaresma.

(JOCELYN DOMENDEN/CHAI JULIAN)

5

Related posts

Leave a Comment