HUSTISYA HILING PA RIN SA MENDIOLA MASSACRE

Rep Argel Cabatbat

NANGALAMPAG ng hustisya ang isang mambabatas para sa mga magsasakang pinaslang sa Mendiola Massacre sa ika-33 taon nito kahapon.

Nagbigay-pugay si Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat sa ika-33 taong pagluluksa sa kabayanihan at pagtindig sa isang mapaniil na sistemang patuloy na inilulubog sa putik ng kahirapan ang pinakamahirap na sektor ng bansa.

Ayon kay Rep. Cabatbat, tatlong dekada na ang nakalipas mula noong mangyari ang patayan, ngunit higit na mas malalim at mas matagal ang problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura na kasing dami aniya ng mga administrasyon at pangulong nanungkulan sa bayan.

“Masaya tayo na sa pamumuno ni Pangulong Duterte, libu-libong ektarya ng lupa, kasama ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang naipamigay na sa ating mga kababayan. Ngunit simula at bahagi lamang ito ng tunay at makabuluhang reporma sa usaping agraryo,” ayon sa mambabatas.

“Ngayong araw, ang panawagan natin sa gobyerno ay maibigay na ang sapat na pondo at ayuda upang umunlad ang buhay ng ating mga kababayan, huwag ilubog sa bagong utang ang ating sektor, magtalaga ng mga taong may tunay na pakialam sa kanilang kapakanan sa gobyerno, at tuluyan nang repasuhin o ibasura ang Rice Tariffication Law. Sa kawalan at kakulangan ng batas na nagbibigay proteksyon para sa kanila, itinutulak natin ang mga anak ng pagsasaka sa paulit-ulit na buhay ng paghihirap,” pahayag pa ng mambabatas. (CESAR BARQUILLA)

323

Related posts

Leave a Comment