TALIWAS sa paniwala ng marami, hindi sa pagbaba ng arawang talaan ng mga nagpositibo sa nakamamatay na karamdaman nagtatapos ang problema lalo pa’t patuloy ang paghihirap ng mga Pilipino na nagsisimula pa lang bumangon sa inabot na perwisyo.
Ang masaklap, tila higit na matinding hamon ang dala ng hidwaan ng dalawang estadong kung tutuusin ay napakalayo sa ating arkipelago. Dangan naman kasi, damay pati ang ekonomiya ng bansang Pilipinas na apektado sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Nakakapanindig-balahibo rin ang mga agam-agam sa posibleng pagsiklab ng mas malawak pang digmaang desididong pasukan ng mga bansang sukdulan ang kapangyarihan at pera – Estados Unidos, Britanya, at iba pang mga bansa sa bandang Europa.
Sa nakalipas na dalawang taon, pumalo sa mahigit limang milyong katao ang namatay bunsod ng pandemya. Higit pa sa nasabing bilang ng mga pumanaw ang posibleng maitala sakaling pumutok ang pinangangambahang ikatlong digmaang pandaigdig sa hudyat ng panghihimasok ng iba’t ibang estado.
Sa panig ng Russia, nariyan ang bansang China at ng kaalyado nitong North Korea. Hindi matatawaran ang kakayahan sa pakikidigma ng dalawang nasabing bansa.
Sa panig ng Ukraine, nariyan ang Estados Unidos, Britanya, Australia at marami pang bansa sa Europa na pawang nagpahiwatig ng pakikiisa sa planong pagsabak sa digmaang muli anilang magpapalaya sa bansang Ukraine.
Ang totoo, sadyang malaki ang epekto ng hidwaan ng Russia at Ukraine na kapwa bahagi ng nalansag na Union of Soviet Socialist Republics (USSR). Kapwa oil-producing countries ang dalawang estado kaya hindi maiwasang apektado pati ang pandaigdigang merkado.
Bukod sa pandaigdigang merkado, nasa balag din ng alanganin ang kapayapaan sa buong mundo.
May magagawa ba tayo? Sa larangan ng pakikidigma, siguradong wala. Katunayan, wala ngang magawa ang ating sariling gobyerno sa sukdulang pananakop ng mga Tsino sa karagatang pasok sa ating teritoryo.
Ang tanging magagawa ng naghaharing gobyerno – paghandaan ang nagbabadyang kahirapan, gutom at kawalan bunsod ng nagbabadyang digmaang pandaigdig.
At tayo? Magdasal na huwag sanang matuloy ang malawakang gulo.
260 