KAILANGANG maging pro-active ang mga ahensya ng gobyerno para makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain ngayong bilyon-bilyong panananim at livestock ang sinira ng bagyong Quinta at Rolly sa Bicol, Mimaropa at Visayas region.
Ang mga negosyante lalo na ang mga middlemen laging advance mag-isip. Laging pinagkakakitaan ang mga kalamidad at sakuna. Kaya dapat unahan sila ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).
Lalo pang tataas ang inflation rate ngayong Nobyembre kung hindi agad kikilos ang mga nabanggit na ahensya para proteksyunan ang mga consumers sa mga mapagsamantalang negosyante.
Tumaas ang inflation rate nitong nakaraang buwan sa 2.5% dahil tumaas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang mga karne at isda. Kokonti raw kasi ang supply at mataas ang demand kaya tumaas ang presyo ng mga ito na dahilan din upang maapektuhan ang presyo ng iba pang pangunahing pangangailangan ng mamamayan para sa kanilang tiyan.
Ibig sabihin nito, halos 30% sa budget ng mamamayan sa pagkain ay nawala sa kanila noong nakaraang buwan. Pero may ginawa ba ang gobyerno para makontrol ang pagtaas ng presyo? Wala!
Parang huli na saka lang nila nalaman na tumaas pala ang presyo ng mga bilihin kaya wala silang naging aksyon para makontrol ito sa panahon na tumaas ang presyo ng mga pagkain.
Nagdusa na ang mga tao bago sila mag-report na tumaas pala ang presyo ng mga bilihin at saka gagawa ng paraan para makontrol ito pero ang siste ay nabawasan na ang budget ng mga consumers. Puro na lang tayo reactionary!
Ngayong matindi ang iniwang problema ng bagyong Quinta at Rolly sa mga nabanggit na mga rehiyon na pawang mga agricultural region at pinanggagalingan ng mga malaking bahagi ng supply ng pagkain sa iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa Metro Manila ay siguradong problema na naman yan kapag hindi naging pro-active ang gobyerno.
Tiyak na magkakaroon ng shortage sa supply ng gulay at mga livestock dahil yung mga ani dapat ngayong buwan hanggang sa Disyembre ay winasak na ng dalawang bagyong nagdaan.
Gagamitin na naman yan ng mga negosyante na dahilan para itaas ang presyo ng kanilang mga supply at ipapasa naman yan ng mga retailers sa mga palengke sa mga consumers.
Ibig sabihin, ang mga consumers na naman ang magdudusa. Sila na naman ang mababawasan ang budget. Sila na naman ang magtitiis. Sila na naman ang magtitipid para mairaos lang ang kanilang mga araw.
Mabuti sana kung ang mga magsasaka ang kumikita kapag may kalamidad pero hindi eh. May kalamidad man o wala sa ibang lugar, hindi pa rin nagbabago ang presyo ng kanilang mga produkto.
Kung may magbago man, sentimo lang ang itataas.
Ang mga middlemen ang kumikita dahil sila ang nagtataas ng presyo at ikinakatuwiran na kulang ang supply kaya yung mga retailers ay walang magawa kundi itaas din ang kanilang presyo.
Walang lugi ang mga middlemen. Kung may malulugi man ay ang mga retailers kapag nabulok ang kanilang paninda dahil walang bumili dahil masyadong mataas ang presyo.
Tuwing ganitong panahon din, ang laging solusyon ng gobyerno ay mag-angkat sa ibang bansa pero ganun din, ipapasa sa middlemen na siyang magpapasasa naman sa mga retailers kaya wala rin, sa consumers pa rin ang dusa.
137
