(BERNARD TAGUINOD)
MATULOY lang ang Charter change (Cha-cha), ikinokonsidera ngayon ng isang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang “hybrid” na Constitutional Convention (ConCon) na siyang mag-aamyenda sa 1987 Constitution.
Sa isang panayam kay House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo “Ronnie” Puno, mismong si retired Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno ay nagrekomenda ng ‘hybrid’ system sa pag-amyenda sa saligang batas.
“Iniisip ko dahil sabi naman ni former Chief Justice Reynato Puno na pwedeng hybrid Constitutional Convention. ‘Di ko alam kung sa tingin nya pwede itong sasabihin ko. Pero baka naman pwedeng gumawa ng Constitutional Convention na magsasalamin sa Kongreso ngayon,” ani Puno.
“Meaning to say, dalawang Kamara din. May upper chamber, may lower chamber ng Constitutional Convention para ang mga senador hindi sila mag-nerbiyos na “ah kakargahan ito ng mga delegado ng House of Representatives” pagkatapos ay matatalo lahat ng kanilang iniisip,” dagdag pa ng mambabatas.
Ipinaliwanag ni Puno na maghahalal pa rin ng ConCon delegates mula sa mga congressional district at lilimitahan ang bilang ng appointees na siyang tatayong Lower Chamber ConCon habang ang mga Senador ay tatayong “ex-officio” at kakatawan sa Upper Chamber ConCon.
“Pero bawasan natin ang trabaho nila (Upper Chamber ConCon). Ang gagawin lang nila aaprubahin ang order of business. Ibig sabihin gagawa ng plano ang lower chamber, aakyat sa Senado, iaapprove lang ng Senado ang pwedeng pag-usapan at kung ano ang hindi pwedeng pag-usapan,” ayon pa sa mambabatas.
Ganito rin aniya ang sistema ng anomang trabaho na natapos ng lower chamber con-con ay iaakyat sa upper chamber para aprubahan upang maalis ang pangamba ng mga senador na ‘baka ma-fastbreak sila”.
Unang tinangkang amyendahan ang 1987 Constitution noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos at huling sinubukan noong 19th Congress subalit lahat ng panukala ay dinedma ng mga senador kaya nais ni Puno na bigyan ng papel ang mga senador sa ConCon.
Ilalatag umano ito ng mambabatas para mabigyang linaw ang malalabong salita o kataga sa saligang batas na naging dahilan para dumulog pa sa Korte Suprema ang mga tao para sa malinaw na interpretasyon.
PBBM Hindi Kontra
Samantala, hindi kokontrahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panawagan na amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention (ConCon) basta’t makatutulong ito na mapahusay ang charter at isara ang mga butas sa probisyon nito. Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na
kung ito aniya ay para sa ikagaganda at ikaliliwanag para hindi na mabutasan ang anomang probisyon dito sa Konstitusyon ay hindi aniya ito tututulan ng Pangulo.
“May mga pagkakataon lamang po sigurong kahit maliwanag ang ibang mga definition or mga term ay minsan napapalabo para merong mapaboran,” ayon kay Castro.
Idinagdag pa nito na ang muling pagbisita sa charter sa pamamagitan ng ConCon ay magbibigay ng oportunidad “to better understand the original intent of the Constitution’s framers”.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
