CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NALASAP na ba sa inyong lugar ang P20/kilong bigas?
Malinis at makakain nga ang P20 kada kilo na binebentang bigas sa mga Kadiwa center.
Pinilahan. Patok. Kinagat. Sumasalamin sa pangangailangan ng mahihirap.
Kaso, marami ang nadismaya dahil naubusan. Nagtiyaga nga namang pumila.
Pero hindi umabot sa cut-off ang ilang residenteng bibili sana ng tig-P20 kada kilong bigas.
Kinakapos kahit inaalok lang ang programa sa mahinang sektor kabilang ang senior citizens, solo parents, at persons with disabilities. Hindi sapat kahit ang isang benepisyaryo ay maaari lang makabili ng maximum na 30 kilo ng bigas kada buwan.
Nangangahulugan lang na ganun karami ang kailangan tugunan ng murang bigas.
Pumuntos ang pamahalaan matapos nilang ipakita na hindi pang-eleksyon ang programa. Nakaisa ang gobyerno dahil nalasap ng mga bumili ang kalidad ng benteng bigas.
Malaking ginhawa at tulong ito sa piling sektor, ngunit paano ang hindi nakasama na nangangailangan ding makalasap ng kahit kaunting ginhawa?
Binebenta ang murang bigas sa piling Kadiwa center at merkado sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, gayundin sa Cebu. Magbubukas din daw ito sa Bohol, Southern Leyte at Siquijor.
Gayunman, may laan lamang na 50 sako ng bigas sa bawat bilihan kaya kapos talaga ang supply.
Aminado naman ang DA na ang paunang alokasyon ay hindi sapat para pagbigyan ang lahat.
Resulta, hindi maiwasang may maghihimutok dahil hindi nakakuha.
Ganun na lang ba ang sistema – unahan, agahan at agapan?
Siniguro nga ng DA na may sapat na supply para sa programa sa pamamagitan ng imbak ng NFA. Kaso nga lang pili muna ang ginagawa ngayon.
Paano palalawigin ng gobyerno ang programa at sakop na ang lahat?
Marami ang nangangailangan. Hindi maaaring lagi na lang may inuuna dahil kung susuriin ay sadyang maraming Pinoy ang talagang nangangailangan.
Mas mainam na buksan ang programa para sa lahat.
‘Di ba para sa lahat ang gobyernong tapat?
o0o
Kung positibo at gumagaan na ang problema ng ibang mamamayan sa bigas, teka lang… heto at may problema rin sa karneng baboy.
Tinanggal na ng DA ang maximum suggested retail price nito kasunod ng pakiusap ng stakeholders.
Ang MSRP ay itinakda sa P380 kada kilo ng liempo; P350 kada kilo para sa kasim (ham) at pigue; at P300 kada kilo ng sabit-ulo.
Ibabalik naman ang MSRP para sa karne ng baboy kapag naisapinal na ang pag-aaral para sa mas epektibong paraan ng pagpapababa ng presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Kumambyo ang DA sa pagpapatupad ng SRP dahil bihira ang sumunod. Napakarami kasing kailangang isaalang-alang bago magpatupad ng presyo. Mainam na timbagin ang lahat ng aspeto para maging patas at walang iiyak.
Ibaba n’yo na ang mga bilihin, at isama ang gas.
Ibaba na lang para makahinga nang maluwag ang ordinaryong mamamayan. At huwag kalimutan ang dapat itaas – ang sahod.
