SA hudyat ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, ganap nang inalagwahan ng pamahalaan ang mga negosyo sa mga lokalidad na nasa ilalim ng Alert Level 1 para sa syento-por-syentong operasyon.
Pwede nang bumalik sa full capacity ang shopping malls, sinehan, auditoriums, coliseums at maging ang mga pamilihang bayan. Gayunpaman, may kondisyones na kalakip ang pagbibigay luwag sa mga aktibidades ng mga negosyo – tanging mga fully-vaccinated lamang ang pwedeng makisabay sa daluyong ng mga tao sa mga nasabing establisimyento.
Ang totoo, sadyang kailangan pasipain ulit ang kalakalan sa bansa. Bakit kamo? Lugmok na ang kaban ng bayan at hindi na kakayanin pa ng pamahalaan ang tigil-operasyon sakaling lumawak ulit ang hawaan ng nakamamatay na karamdaman.
Bagama’t hagip na ng gobyerno ang 70% vaccination rate sa hanay ng mamamayan, kabaligtaran naman ang datos hinggil sa bilang ng mga taong tumanggap na ng kanilang booster shots na ayon sa mga dalubhasa sa larangan ng medisina ay sadyang angkop lalo pa’t walang kinikilala ang peligrong bitbit ng nakahahawang sakit.
Ayon sa mga pag-aaral ng mga eksperto mula sa World Health Organization (WHO), hindi dapat maliitin ang naglalabasang Omicron subvariants. Anila, maski ang mga taong bakunado, posible pa rin malagay sa kompromiso.
Kaya naman giit nila, dagdag proteksyon. Tamaan man, hindi ng “severe infection.”
Ang siste, kasabay ng pagtamlay sa pagpapatupad ng minimum public health safety protocols ang usad-pagong na pagbabakuna ng Department of Health (DOH), gayung batid naman ng naturang kagawaran ang pananatili ng bantang kalakip ng mga naitalang bagong kaso ng Omicron sub variants.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit nagkusang palo na lamang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang 81 lalawigan, 1,498 munisipalidad at 143 siyudad na diskartehan kung paano makukumbinsing magpaturok ng booster shots ang kani-kanilang nasasakupan.
Nakalulungkot isiping malamya na ang pagtugon ng DOH sa mandatong isulong ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan.
Dahil ba ‘yan sa nalalapit na pagbaba sa pwesto ng political appointees sa naturang departamento, kasabay ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte?
177 