Ibigay kahit weekend o holiday PARUSA SA ‘DI SUSUNOD SA 20% STUDENT FARE DISCOUNT – LTFRB

PINAALALAHANAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga pampublikong sasakyan sa parusang maaaring kaharapin sa hindi pagsunod sa diskwento para sa mga estudyante sa ilalim ng Republic Act 11314, o ang Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation and for other Purposes.

Ang paalala ay inilabas ng ahensya kaugnay ng nalalapit na muling pagbubukas ng klase.

Nakasaad sa RA 11314, ang mga pampasaherong jeepney, bus at iba pang uri ng pampublikong transportasyon ay dapat magkaloob ng 20 percent student discount sa regular na pasahe sa: “Filipino citizen na kasalukuyang enrolled sa alinmang authorized elementary, secondary, technical, vocational school at higher education.”

Hindi sakop ng diskwento ang mga naka-enroll sa post graduate (masters, doctoral) at mga impormal na maikling kurso tulad sa driving school.
Idinagdag pa ng LTFRB na ang pagbibigay ng naturang diskwento ay applicable sa lahat ng regular na estudyante kaugnay ng mga pampublikong sasakyan, maliban Lang sa mga tourist shuttle school service na under contract ang pag-hire.

Nilinaw rin ng ahensya na maaaring i-avail ang diskwento sa buong panahon ng enrolment, kasama ang mga araw ng Sabado at Linggo kaya kung mag-mall ang isang estudyante ay entitled pa rin sila dahil hindi base sa destinasyon ang student discount.

Kapag may promo fare naman, Nilinaw din na choice ng estudyante kung ano ang i-avail niya.

Paalala ng LTFRB, papatawan ng multa at parusa ang sinomang tsuper na lalabag sa kautusan: 1st offense, suspension for 1 month ng lisensya; 2nd offense, 2 months suspension; at 3rd offense, 3 months plus P1, 000 fine per offense.

Kaugnay nito, papatawan din ng multa ang operator: 1st offense, P5,000; 2nd offense, P10,000 plus impound ng sasakyan for 30 days; at 3rd offense, P15,000 plus kanselasyon ng prangkisa franchise.

Sanantala, kailangang iprisinta ng estudyante ang kanyang school identification card o enrollment form at authenticated ID na siya iyong enrolled. Kung sakaling naka-uniporme naman at halatang estudyante, maaari pa ring hingin ng tsuper na ipakita ang student ID para magbigay ng discount dahil dapat may ID tulad ng mga senior citizen na kahit sa itsura pa lang ay walang duda na senior na ito.

Sa huli, sinabi ng ng LTFRB na anomang reklamo ukol sa implementasyon ng student fare discount ay maaaring idulog sa kanilang tanggapan para matugunan at maaksyunan agad.

(PAOLO SANTOS)

23

Related posts

Leave a Comment