IBON: MALIIT NA BUWIS NG POGO, ‘DI MAKAPAGPAPASIGLA SA EKONOMIYA

HINDI malaman ng isang independiyenteng grupo ng mga mananaliksik kung ano ang ginamit na batayan ng administrasyong Duterte nang buksan nito kahit bahagya ang industriya ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) dahil wala pa sa “one fourth” ang porsiyentong inambag nito sa kabuuang buwis nitong 2019.

Idiniin ng IBON Foundation na hindi dapat ipinagtanggol at itinuring na bahagi ng sektor ng business process outsourcing (BPO) ang POGO, sapagkat “It does not bring in much government income nor job opportunities for Filipinos.”

Ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque ang todo- todong nagtanggol at nagdeklara bilang BPO ang uri ng negosyong mayroon ang POGO makaraang payagan ng Pangulo na buksan nang bahagya ang POGO dahil makatutulong umano ang industriyang ito sa pag-usad ng naghihingalong ekonomiya ng bansa dulot ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga rehiyong malaki ang inambag sa gross domestic product (GDP) ng bansa tulad ng National Capital Region (NCR), Rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at Central Luzon (CL).

Inilantad ng IBON sa kalatas nito ang ulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagsasabing ang huli ay “nakakolekta lang ng P6.4 bilyon mula sa POGO nitong 2019 na umabot lang sa 0.23 porsiyento mula sa P2.8 trilyon ng kabuuang buwis na nasingil sa nakalipas na taon.”

Wala pa sa one fourth ang P6.4 bilyon ng P2.8 trilyon, diin ng IBON.

Ipinaalala pa ng nasabing grupo ng mga mananaliksik na hindi pa nga nababayaran ng POGO ang P50 bilyong utang nito sa BIR, tapos pinayagan pa ng pamahalaan na buksan ang mga pasugalan ng mga Tsino sa Pilipinas.

Hindi rin nakaakit ng maraming trabaho ang POGO sa mga Filipino, patuloy ng IBON.

Ilang ulit nang napabalita sa media na maraming Intsik ang nagtatrabaho sa iba’t ibang kumpanya ng POGO na nadakip dahil sa walang “permit to work” sa Pilipinas, sangkot sa prostitusyon, pandaraya sa kapwa Intsik at kidnapping sa kapwa Intsik.

Malaki ang magiging problema ng pamahalaan kapag pinanindigan nitong BPO ang negosyong online gambling ng POGO, babala ni Senador Franklin Drilon.

Ani Drilon, posibleng gamitin ng mga negosyante sa POGO ang ‘pahayag’ ni Roque upang makalibre ang huli sa 5% “franchise fee” sa pamahalaan at bayad sa “license to operate” sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Maaari ring hindi na magbayad ang POGO sa utang nitong P50 bilyong buwis sa BIR, patuloy ng beteranong senador mula sa Liberal Party (LP). NELSON S. BADILLA

304

Related posts

Leave a Comment