ICC GINAGAMIT NI ROMUALDEZ PARA PATAHIMIKIN MGA DUTERTE?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

“PARA bang the people are thinking that, Are they going to weaponize the ICC in order to silence the Dutertes?”

Pahayag ito ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng magkakasunod na resolusyong inihain sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso na humihikayat sa Malakanyang para suportahan ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa ikinasang “war on drugs” ng nakalipas na administrasyong-Duterte.

Ayon pa sa senador, kaduda-duda ang timing at motibo sa nasabing resolusyon.

Aniya, itinaon ang paghahain ng resolusyon sa panahong may gusot sina Vice President Sara Duterte at House Speaker Martin Romualdez.

“Bakit ngayon lang ‘yan nagsipaglabasan itong mga resolution kung kailan nagkakaroon ng gusot between the Speaker of the House (Martin Romualdez) and Vice President (Sara) Duterte and former President (Rodrigo) Duterte?” ayon kay Dela Rosa sa interview.

Sa kabila nito, iginagalang umano niya ang naging hakbang sa Kamara alinsunod sa “inter-parliamentary courtesy.”

Paglilinaw lamang din niya, hindi ito nangangahulugan na tanggap niya ang resolusyon.

Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng drug war noong nakaraang administrasyon, tila ginagatungan ng Mababang Kapulungan ang ICC upang patahimikin ang pamilya Duterte.

Matatandaang una nang sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may basbas ni Romualdez ang mga pagkilos ng kanyang mga kasama sa Kamara para gipitin si VP Duterte sa gitna ng hindi nila pagkakaunawaan.

“Galing po ako dyan sa House, wala pong demokrasya dyan. What the speaker says, goes. Ganyan po talaga lalo na sa panahon ng budget na lahat ng congressman nakaganyan (lahad ang palad) penge, pengeng project. So ang iniisip ko kabahagi pa rin ito ng pulitika,” pahayag ni Roque sa kanyang programa sa SMNI.

Tinawag din ni Roque na plan B ng grupo ni Romualdez ang nasabing hakbang ng Kamara.

“Dinenay na ni Speaker, pero malinaw po sa akin ang script. Alam nila ang posisyon ng Presidente, ganyan din naman ang posisyon ng Secretary of Justice. Anong gagawin nila kung gusto nilang pabaliktarin? Mag-aplay ng pressure sa panahon na hindi pa po tapos ang budget ah,” bahagi ng pahayag ni Roque.

“Kaya ngayon hinain yang resolusyon na yan para magkaron ng dahilan yung Sec. of Justice na bumaliktad sa mga nauna nyang sinabi. Hindi ko lang alam kung kasama talaga si Sec. Remulla sa script na yan. Pero sa mga binabanggit nya, binibigyan nya talaga ng importansya yung mga resolusyon na hindi pa naman naipapasa maski ipasa naman ‘yan wala namang bisa yan. Dahil kinakailangan mapasa pa rin ng Senado pero that is the sense of the House na sa panahon ng budget hindi mo pupuwedeng mabalewala,” aniya pa.

Matatandaang umusad na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihikayat sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makipagtulungan sa ICC sa kanilang imbestigasyon sa war on drugs ni dating presidente Rodrigo Duterte.

249

Related posts

Leave a Comment