ICE ROOM SA BI JAIL, P50K A MONTH

BISTADOR ni RUDY SIM

HINDI lamang sa Bilibid at mga kulungan sa bansa nangyayari ang VIP treatment at raket ng jail guards sa mayayamang inmates na kinakalakal sa maganda at komportableng kulungan.

Ito ang natanggap nating impormasyon kaugnay sa mga nararanasan umano ng mga dayuhang nakakulong sa piitan ng Bureau of Immigration na nasa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, kung saan ang mga pobreng dayuhan na walang kakayahan na magbayad ay parang isang baboy na nakakulong sa mainit at mabahong selda.

Mula umano sa 9 na kuwarto na mayroong tig-4 na inmates ay nagbabayad ang mga ito sa opisyales ng BI warden facility ng halagang P50K bawat kuwarto para sa tinatawag na “ICE ROOM” upang hindi umano mainitan ang maperang mga dayuhan na nakakulong dito. Isang kwarto para sa Japanese, 1 para sa Chinese at Koreans, 7 kwarto para sa lahat ng Koreans at 2 kwarto naman para sa maganda at kumpletong gym ng mga Chinese na nasa ground floor ng piitan.

Daig pa umano ng BI jail ang 7 Eleven sa supply ng ice o yelo kung saan ay mula 150 hanggang 180 bags ng yelo ang idine-deliver… Aba matindi pala ang mga hinayupak. May sideline pa ang mga kumag na tauhan ng BI. Dahil masyadong halata kung aircon ang kanilang ilalagay sa mga kulungan ng mayayaman. Inilalagay na lamang umano ang yelo sa timba at itinatapat ito sa electric fan.

Sinabi pa sa atin ng isang kababayan nating Pinay na dumadalaw sa kanyang asawang nakakulong dito, kawawa umano ang mga dayuhang walang pera na naghahati lamang sa isang cup ng kanin at kapirasong ulam na maging ang aso ay hindi kayang kainin.

Maging ang kalakaran sa pagbebenta ng sigarilyo at imported na alak ay ginagawang negosyo umano ng mga kababayan ni Tan5 na inilagay niya dito. Ang ordinaryong whiskey ay P1K kada bote, sigarilyong RGD P150, Carnival P150, Marlboro P250, Esse P270, Chinese cigar P350-P450 at electric cigar ay 1K.

Hindi rin nakaliligtas dito ang paggamit ng internet at gadget na binabayaran umano sa bawat ikot ng jail guards mula 1K hanggang 2K. Walang choice kundi ang makisama at magbayad na lamang upang hindi mawala ang kanilang libangan na makausap sa mobile phones ang kanilang pamilya.

Attention: DOJ Secretary Boying Remulla, Sir!! Pakitingnan nga po itong nangyayari rin dyan sa BI Jail sa Bicutan.

355

Related posts

Leave a Comment