NAGBABALA ang National Institute for Transparency and Accountability (NITA) sa umano’y mabilis na pagguho ng patas na pamantayan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructures (ICI).
Sa isang press conference, iginiit ni NITA Executive Director Carlos Ayala na malinaw ang “selective justice” matapos pangalanan ng ICI si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang posibleng kasuhan sa flood control scandal kahit batay lamang ito sa testimonya na mismong ICI ang nagsabing hearsay at kulang sa kinakailangang quantum of evidence.
Tinukoy ni Ayala na ang affidavit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, ang pinaka-ugat ng alegasyon, ay walang corroborating witness, walang dokumento, at walang pisikal na ebidensya.
Gayunman, hindi pantay ang naging trato ng ICI sa iba pang nabanggit ni Bernardo. Bukod kay Revilla, kasama sa affidavit sina Sen. Francis “Chiz” Escudero, Mark Villar, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, at dating mga senador Grace Poe, Nancy Binay, Sonny Angara, at Bam Aquino ngunit wala ni isa ang nirerekomendang kasuhan. “Kung mahina ang testimonya, mahina para sa lahat.
Bakit si Revilla lang ang tinutulak?” tanong ni Ayala.
Binigyang-diin pa ng NITA ang mga butas sa kwento ni Bernardo. Tinawag niyang “malapit na kaibigan” si Revilla, ngunit ikinuwento ang hindi kapani-paniwalang senaryo na naghintay umano ng ilang oras ang senador para sa daan-daang milyong pisong ibibigay—walang saksi, walang koordinasyon, walang seguridad. “Hindi gagawin ng kahit sinong batikang opisyal ang ganoong kapus-palad na sitwasyon,” ani Ayala. “Hindi makapasa sa common sense. Parang may ginagawang scapegoat.”
Lalong lumala ang kritisismo nang ibunyag ni Ayala na hindi man lang ipinatawag si Revilla upang makapagpaliwanag bago siya isapubliko. “Paano magkakaroon ng patas na proseso kung hearsay ang basehan at hindi nabigyan ng pagkakataon ang tao?” aniya.
Samantala, kumakalat din ang ispekulasyon na maaaring kasuhan pa sina Cong. Jolo Revilla, Cong. Bryan Revilla, at Mayor Lani Mercado-Revilla gamit ang parehong mahinang testimonya. “Kung buong pamilya ay isasangkot batay sa hearsay, hindi ito hustisya—’political persecution’ ito,” babala ni Ayala.
Sa huli, inanunsyo ng NITA na maglalabas ito ng position paper upang igiit sa Kongreso, akademya, at media ang isang independent audit ng ICI report. “Karapatan ng sambayanan ang patas na hustisya,” pagtatapos ni Ayala. “Kapag nasira ang fairness, bumabagsak ang tiwala sa institusyon.”
78
