IHANDA NA BULSA SA PAGSIRIT PA NG PRESYO NG MGA BILIHIN

IHANDA na ang bulsa. Kapkapin kung kaya pa ang taas-presyo ng mga bilihin sa kondisyong lugmok na ang mga tao sa hirap iraos ang buhay araw-araw.

Sa susunod na buwan, inaasahan ang pagtataas ng presyo ng 63 na bilihin.

Andami! Kaya matuto pa ring mamaluktot kapag maikli ang kumot. Magtipid, o nagtitipid na nga, di ba? Buhay nga naman. Makapagtitipid pa ba ang salat na salat na?

Eto kasi. Inaprubahan ng Department of Trade and Industry ang kahilingan ng mga manufacturer na itaas ang presyo ng 63 na bilihin sa susunod na buwan. Dumadaing daw ang mga

manufacturer sa pagtataas ng gastos sa pagkuha ng mga hilaw na materyales, at gastos sa mga manggagawa.

Ang bilang ng produktong sisirit ang presyo ay 28 porsyento ng 217 basic necessities and prime commodities (BNPC) na nasa suggested retail price (SRP) na inisyu ng DTI.

Ilan sa mga bilihing magtataas ng presyo ay ang sardinas, kandila, baterya, gatas at instant noodles.

Teka, bahagya lang daw ang itataas ng presyo, ayon kay Trade Secretary Cristina Roque. Minimal kung minimal, ngunit sa mga konsyumer ay malaki ang epekto sa ginagawa nilang paghihigpit ng sinturon.

Imbes na baba-presyo ang inaasahan ay dagdag-singil ang sasalubong sa atin sa love month. Naku, tiyak magmamahal ang bulaklak. ‘Di ata kabilang sa alinman sa basic necessities o sa prime commodities ang bulaklak. ‘Di bale, para sa mga misis, mas matimbang ang bigas kaysa bulaklak.

Ay buhay. Kailangang aliwin na lang sarili dahil nawiwili ata ang mga lider na pahirapan ang publiko imbes na kapakanan ng mamamayan ang susugan.

o0o

Marami ang nawiwindang sa kwento ng viral na ‘sampaguita girl’.

Noong una, napagkamalan siyang bata pano naman ay naka-uniporme ng pang-elementary o high school student. Pero ang huling balita ay 22-anyos na ito, ayon mismo sa ina at first year college na raw.

Inanunsyo ng management ng mall na sinibak na sa trabaho si Manong Guard na nagpagalit sa mga netizen. Anila, malinaw na ginagawa lang ng guwardiya ang kanyang trabaho. Kumbaga, ang bilis daw naghugas-kamay ng mall at isinakripisyo ang kanilang guard.

Bakit nga ba lagi na lang maliliit ang isinasakripisyo kapag nagkakagipitan?

Kaya naman hindi masisisi ang mga netizen kung ang bilis ng pihit ng simpatya na noong una ay na kay ‘sampaguita girl’ pero ngayon ay na kay Manong Guard na.

Malinaw na mali ang karahasang ipinakita ng guwardiya pero sabi nga ng nakararami, hindi tamang pagbasehan ng anomang opinyon ang maikling video.

Nawa’y kinapulutan ng aral ang pangyayaring ito para hindi na maulit.

At sana rin ay bigyang pansin ang mga naglipanang student vendor na marami ay pinaniniwalaang ginagamit na ng sindikato.

Huwag namang aaksyon lang ang DSWD kapag nag-viral na.

59

Related posts

Leave a Comment