HINDI na anim na buwan kundi isang taon ang isinusulong ng 43 congressmen na suspensyon sa premium hike ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang nilalaman ng Joint Resolution of Both Houses na inihain ng mga mambabatas sa pangunguna ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Layon ng nasabing resolusyon na ipagpaliban ng isang taon ang implementasyon ng Republic Act (RA) 11223 o Universal Health Care Act na nagsasaad na itataas ng 3.5% ang premium ng PhilHealth mula sa dating 3% ngayong 2021.
Ayon sa mga mambabatas, nang ipasa ang nasabing batas ay walang nakaaalam na magkakaroon ng pandemya dahil sa COVID-19 na naging dahilan para maghirap ang ekonomiya ng buong mundo kasama na ang Pilipinas.
“Whereas, due to the COVID-19 pandemic and the stringent lockdown enforced to prevent the spread of the disease, the Philippine unemployment rate at one point hit a 15 year all-time high of 10.4 percent and about 4.5 million Filipinos became jobless in 2020,” ayon sa JRBH.
Naapektuhan ang may 14.4 million direct contributor sa PhilHealth bukod sa 3.6 million overseas Filipino workers na miyembro ng state insurance firm.
Dahil dito, nais ng mga mambabatas na ipagpaliban muna ang implementasyon ng nasabing batas hanggang Enero 2022, bukod dito, hindi umano sila naniniwala na malaking kawalan ang P500 million na hindi makokolekta ng ahensya dahil may sapat na pondo naman umano ang mga ito. (BERNARD TAGUINOD)
