SAGAD-SARING mandarambong ang mga opisyal ng North Luzon Railways Corporation (Northrail) at pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil P656.35 milyon ang pondo ng pamahalaan na ‘nawala’ at ‘nasayang’ noong 2011.
Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), P656.35 milyon ang kabuuang “public funds” ang kuwestyonable sa proyektong daraanan ng tren ng Northrail.
Sa multimilyong halagang ito, P423.46 milyon dito mula sa P505.35 milyong pondong pambili ng mga lupa para sa “additional right – of – way” ay nadiskubre ng COA na mayroong iregularidad.
Kapag sinabing iregularidad, mayroong korapsyon.
Pero dahil P423.46 milyon ang halaga, pandarambong ang ginawa ng mga sangkot sa pagbili ng lupa.
Bukod sa P423.46 milyon, may hiwalay pang P232.89 milyong pondo ang nawala at nasayang dahil walang nailipat na mga pamilyang sapul ng proyekto sa Norzagaray, Bulacan, banggit sa ulat ng COA.
Nakasaad sa ulat na 10,000 pamilya ang dapat nailipat sa nabiling lupa sa Norzagaray batay sa kasunduan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at Projekt Asia Inc. (APAI).
Idiniin ng COA na P232.89 milyon ang ginastos para sa relokasyon ng 10,000 pamilya, subalit ang nangyari ay “without actual relocation undertaken”.
Pokaragat na ‘yan!
Sinabi rin sa ulat ng COA na ang inisyal na ibinayad sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan para sa 50 ektaryang lupa sa Norzagaray ay P10 milyon.
Tinumbok ng COA na bagamat “committed” ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na tapusin ang relokasyon ng mga apektadong pamilya sa proyektong Northrail noong Hunyo 30, 2011, “there was no actual relocation undertaken by PGB (provincial government of Bulacan)”.
Pokaragat na ‘yan!
Pero, alam n’yo ba na ang nasabing lupa na paglilipatan ng 10,000 pamilya ay ”vulnerable to natural hazards, hence, not considered appropriate as residential area” batay sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), ahensiyang pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang pinag-uusapan nating proyekto noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay importante sa sistemang pangtransportasyon ng bansa.
Napakahalaga rin nito sa ekonomiya ng bansa dahil mapapabilis ang daloy ng komersyo at kalakalan ng mga negosyante ng National Capital Region (NCR) patungong Rehiyon ng Gitnang Luzon.
Siyam na taon na ang nakalipas, kaya ganito rin kahaba ang nawalang oportunindad na naibigay ng proyekto upang bumilis-bilis ang pagsulong at pag-angat ng ekonomiya mula NCR patungong Gitnang Luzon.
Pare-pareho nating alam na napakalaking halaga ng P656.35 milyon, ngunit nakabubuwisit na walang nahuli at nakulong sa mga mandarambong sa naturang proyekto.
Pihadong galak na galak sa kaligayahan ang mga taong nakinabang sa P656.35 milyon.
Ang totoo, hindi lang naman ‘yan ang pera ng pamahalaan na kinurakot at dinambong ng mga pusakal sa ating bansa, kundi napakarami pa.
Habang isa-isang hinahagilap ng COA ang korap at mandarambong noong panahon ni Aquino, wala ring tigil ang korapsyon at pandarambong sa kasalukuyang rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit ganyan ang nangyayari, walang masama at nararapat lamang na manawagan pa rin kay Duterte na ipakulong nito ang mga mandarambong sa proyektong Northrail.
Alam kong mayroong prosesong legal na dinadaanan upang maparusahan ang mga korap at mandarambong sa pamahalaan.
Ngunit, labis akong naniniwala na nararapat lamang na ikulong ang mga mandarambong sa proyektong Northrail.
Kaya, tungkulin at obligasyon ni Duterte na kumilos nang mabilis upang makulong ang mga taong mandarambong sa proyektong Northrail.
Dapat huwag itong palampasin ni Duterte dahil naganap naman ito sa panahon ni Aquino.
Ibig sabihin, hindi mga ‘bataan’ ni Duterte ang mga sangkot sa pandarambong ng P656.35 milyon.
Kaya, walang panghihinayangan si Duterte na ipakulong ang mga mandarambong sa proyektong Northrail.
164
