Ilang buwan matapos magbarilan, resulta ng imbestigasyon wala pa rin COVER UP SA QCPD-PDEA SHOOTOUT?

(NELSON S. BADILLA)

INAABANGAN ng publiko ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa barilan ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) upang malaman kung sino sa dalawang armadong sangay ng pamahalaan ang naunang nagpaputok at kung totoong kapwa lehitimo ang kanilang operasyon.

Ngunit, hanggang ngayong Mayo 20 ay wala pang abiso sa media si NBI Spokesman Ferdinand Lavin kung kailan ilalabas ang resulta ng imbestigasyon ng ahensiya sa engkuwentrong naganap noong Pebrero 24 sa parking area ng isang food chain sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Inaasahang pawang katotohanan ang resulta ng imbestigasyon ng NBI at walang “cover up” dahil tutukuyin lang naman nito kung QCPD ba, o PDEA, ang nagsimulang mamaril upang mauwi sa pagkamatay ng apat na alagad ng batas ang nasabing engkuwentro.

Kung mistulang cover up ang resulta ng imbestigasyon, tiyak na magiging negatibo na naman ang “kolektibong pananaw” ng mga Filipino sa kampanya ng administrasyong Duterte.

Ang lubhang pagkaantala rin ng resulta ng imbestigasyon ay maaring pagmulan ng duda ng posibleng cover up sa kaso.

Matatandaang sa unang dalawang linggo ng imbestigasyon ay naibalita sa media na naipasa sa NBI ang mga baril na ginamit ng ahente ng PDEA at mga tauhan ng QCPD na sangkot sa barilan, mga cellular phone at iba pang kinailangang posibleng ebidensiya sa engkuwentro.

Naibalita rin sa media ang pagpapasumite ng NBI ng mga salaysay ng mga sangkot sa engkuwentro, kahit hindi pa sila bumaril.

Matatandaang eksklusibong iniulat ng SAKSI Ngayon ilang buwan na ang nakalipas na kinuhaan din ng salaysay ang isang “Donaite Decena”.

Si Decena ay nakakulong sa panahong ‘yan dahil sa krimeng mayroong kinalaman sa ilegal na droga.

Inamin ng QCPD-District Special Operations Unit (DSOU) na “asset” nito si Decena.

Ang QCPD-DSOU ang yunit na nakipagbarilan sa mga elemento ng PDEA noong Pebrero 24.

Batay sa ulat, si Decena ang taong ginamit ng QCPD-DSOU upang magkaroon ito ng transaksyon sa target nila umanong drug dealer na kinilala sa pangalang “James Tan”.

Natunton at nakipagtransaksyon si Decena sa kampo ni Tan, sa pamamagitan ng tauhan ng huli para makabili ng methamphetamine hydrochloride, o shabu.

Mula riyan isasagawa ang buy-bust operation ng QCPD-DSOU laban sa kampo ni Tan.

Sa pamamagitan ni Decena, tila nakumbinsi ang NBI na lehitimo ang buy-bust operation ng QCPD.

Mayroong dokumento ang mga pulis ng QCPD-DSOU na nagpatunay na lehitimo ang operasyon nito.

Sa kabilang banda, nabatid ng NBI na lehitimo rin ang operasyon ng PDEA dahil mayroon din itong hawak na mga ebidenyang nagsasabing mayroon silang buy-bust operation.

Iisa ang operasyong isasagawa ng QCPD at PDEA at ito ay malapit sa Litex, Quezon City.

Sabi ni Decena sa NBI, nasiraan ng sasakyan ang kontak niyang tauhan ni Tan kaya tumigil daw ito sa parking area ng food chain sa Commonwealth Avenue.

Kaya, sa naturang parking area na isasagawa ang buy-bust.

Tugma ang mga pahayag ni Decena sa eksenang nakita sa CCTV footages na ipinasa umano sa NBI.

Nakita sa CCTV footages si Decena, tauhan ni Tan na kakontak nito, Corporal Elvin Garado ng QCPD-DSOU at iba pang tao na mga nakasibilyan na pare-parehong nakapuwesto malapit sa kotseng puti na ipinarada sa isang bahagi ng sinasabing parking area.

Natukoy sa CCTV footages na si Decena ang babaeng naglalakad na may dalang bag na naglalaman umano ng malaking halaga ng buy-bust money.

Si Decena ang babaeng naglalakad sa parking area na tila sumusunod kay Garado.

Nakita rin sa parehong CCTV footages na si Garado ang lalaking lumapit sa lalaking nakatayo sa tapat ng bukas na pintuan ng puting kotse.

Ang lalaking nilapitan ni Garado ay siyang tauhan umano ni James Tan.

Ani Decena, “Pagtapat ko du’n sa nakatayong nakaitim [na lalaki], nadinig ko [na] sinabi niya na pulis ito” na ang tinutukoy ay si Garado.

Doon na nagsimula ang barilan, saad ni Decena.

Ang natumbok na taong nagsabing “pulis ito” ay si Untong Matalnas na siyang kausap ni Decena upang maganap ang transaksyon ng QCPD-DSOU sa kampo ni Tan.

Nabalita sa media na inamin ng PDEA na “asset” nila si Matalnas.

Sina Garado at Matalnas at dalawang iba pa ay pare-parehong namatay sa engkuwentro ng PDEA at QCPD.

Malaking isyu ang engkuwentrong naganap sa pagitan ng PDEA at QCPD kung saan apat na alagad ng batas ang namatay dahil ang PDEA at ang Philippine National Police (PNP) ay parehong pangunahing armas ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga, ngunit sila-sila pa ang nagkabarilan at nagkapatayan, samantalang iisang drug dealer ang kanilang tudla.

Nakalakip sa kontrobersya ang “public interest” dahilan upang malaman ng mamamayan ang resulta ng imbestigasyon ng NBI tungkol sa isyu.

Matapos ang halos apat na buwan mula nang maganap ang barilan ng mga tauhan ng PDEA at QCPD ay higit na naging mahalaga ang resulta ng imbestigasyon ng NBI dahil mayroon na namang pangyayari nitong Mayo 14 na muntik nang magkabarilan at magkapatayan ang mga tauhan ng PDEA at QCPD sa parehong buy-bust operation.

Ayon sa ulat, iisa ang tudla ng dalawang pangkat ng mga alagad ng batas, ngunit malinaw na wala silang koordinasyon at kooperasyon sa isa’t isa upang sabay nilang tugisin ang drug dealer, o pusher.

 

Kamara nag-aabang sa resulta

Kaugnay nito, naghihintay rin ang mababang kapulungan ng Kongreso sa resulta ng imbestigasyon ng NBI sa nasabing engkuwento noong Pebrero 2021.

Ito ang nabatid kay House committee on dangerous drugs chairman Robert Ace Barbers dahil tatlong buwan na ang nakalilipas ay wala pang inilalabas na resulta ng imbestigasyon ang naturang ahensya.

“Hinihintay natin ang report ng NBI sa nangyaring insidente sa Commonwealth hanggang ngayon,” ani Barbers kaya kinalampag ng mambabatas ang NBI na ilabas na ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Tinawag ni Barbers na kasuklam-suklam at nakahihiya ang nangyaring engkuwento dahil kahit parehong naka-uniporme ang mga ahente ng dalawang law enforcement agencies na ito ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang barilan na nahinto lamang nang dumating ang kani-kanilang mga opisyal.

Ginawa ng mambabatas ang paalala dahil muntik na namang magkaratratan ang PDEA at PNP sa panibagong drug operation sa isang mall sa Fairview, Quezon City kamakalawa.

Dismayado si Barbers dahil mistulang walang natutunan ang PNP at PDEA sa kanilang karanasan noong Pebrero kaya inatasan nito si PNP Director General Guillermo Eleazar na masinsinang makipag-usap sa PDEA para hindi na maulit ang dalawang nabanggit na insidente.

“Dapat talagang mag-usap ang parehong head ng PNP at PDEA para maplantsa ang tamang koordinasyon sa kanilang anti-illegal drug operation,” ani Barbers dahil kung hindi ay magkakaubusan ang dalawang puwersa.

Sa panig naman ni Deputy Speaker Bienvenido Abante na isa sa mga nag-privilege speech sa hindi katanggap-tanggap umanong engkuwentro ng PDEA at PNP, muli itong nadismaya dahil hanggang ngayon ay wala pang nakakasuhan at naparurusahan.

“It is now the middle of May and while the DOJ has said that the NBI has wrapped up its investigation into the matter, we need to know if or when they plan to file charges against the erring personnel,” ani Abante.

Ayon sa kongresista, nagkasa ng imbestigasyon ang Kongreso para ugatin ang dahilan ng engkuwentro subalit pinigilan ang mga ito upang bigyang daan ang imbestigasyon ng NBI. Ang ipinagtataka ng mambabatas ay tatlong buwan na ang nakalipas ay wala pang nangyayari o resulta sa imbestigasyon. (BERNARD TAGUINOD)

202

Related posts

Leave a Comment