KINUMPIRMA ni Justice Secretary Crispin Remulla na may ilang tao na sangkot sa e-sabong ang kinakausap na nila.
Umaasa ang kalihim na malaki ang maitutulong ng mga ito sa imbestigasyon sa pagkawala ng ilang mga sangkot sa naturang sugal.
Naniniwala naman si Remulla na kung may sapat na batayan at matibay ang salaysay ng mga ito ay posibleng makatulong sa paglutas ng kaso.
Gayunman aniya, patuloy pa rin sila sa pagkalap ng mga impormasyon kay Julie Patidongan o alyas “Totoy” na kabilang din sa pinagbabatayan nila ng mga impormasyon.
Mabigat aniya ang mga impormasyong ibinigay ng mga ito, kaya kailangang suriin nang maigi at patuloy na inaalam ang nilalaman ng bawat detalye.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na wala pang kamag-anak ng sabungeros ang lumantad para makipag-ugnayan sa DNA testing ng mga natagpuang buto sa Taal Lake.
Sa kabila ito ng pagsisikap at paghihintay ng DOJ sa police report mula sa Laurel, Batangas PNP, kaugnay sa mga nawawalang personahe na may kaugnayan sa e-sabong.
Dahil dito, nanawagan ang kalihim sa mga kaanak na lumantad na para makuhanan sila ng DNA samples na ang magiging resulta ay ilalagak muna sa itatatag nilang DNA bank para kalaunan ay maikumpara sa mga biktima para sila ay makilala.
Nilinaw naman ni Remulla na marami silang mga bagay na pinag-aaralan para maihiwalay nila ang isyu ng drug war sa e-sabong, pero tinitingnan pa rin umano nila ang posibleng pagkakaugnay ng dalawa. (JULIET PACOT)
