ILEGAL NA OPERASYON NG RESORT SA LAGUNA, BUKING SA NALUNOD NA GUEST

CALAMBA CITY – Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng siyudad na ito ang isang resort na natuklasang patagong nag-operate matapos malunod ang isa sa mga guest nito noong Martes.

Ayon sa ulat, nalunod ang limang taong gulang na batang babae sa 4ft. na lalim ng swimming pool sa hindi pinangalanang resort sa Brgy. Pansol, Calamba City.

Agad dinala ang bata sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Dahil sa pangyayari, natuklasan ng lokal na pamahalaan na nagbukas ang resort sa kabila na ipinagbabawal pa ito sa ilalim ng kasalukuyang pinaiiral na community quarantine.

Kahapon ng umaga ay tinungo ng mga local official ang resort at ipinasara.

Ayon kay Public Order and Safety Office Chief Jeffrey Rodriguez, pinag-aaralan pa ang kasong isasampa sa may-ari at mga staff ng resort dahil sa paglabag sa quarantine protocols ng IATF.

Hindi pa pinahihintulutan ang pagbubukas ng mga resort, spa o hotel sa bansa sa gitna ng banta ng COVID-19.

Maaari ring bawiin ang kanilang business permit upang hindi na muling makapag-operate. CYRIL QUILO

156

Related posts

Leave a Comment