BALYADOR RONALD BULA
INIHATID na kahapon (June 8, 2023) sa kanyang huling hantungan si pareng Cris Bunduquin, ang radio broadcaster na tumuligsa sa mga tiwaling politiko at talamak na iligal na sugal sa Oriental Mindoro.
Iyan ang ilan sa nakikitang dahilan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Paul Gutierrez, para itumba ang komentaristang si Crecenciano “Cris” Bunduquin, 50 taong gulang, may asawa at mga anak, blocktimer ng DWXR 101.7 Kalahi FM sa Calapan City, Oriental Mindoro, noong Mayo 31.
Si Bunduquin ay pinagbabaril ng riding-in-tandem dakong 4:30 ng madaling araw habang naghahanda ito sa pagbubukas ng kanyang tindahan sa tabi ng kalsada.
Ayon kay PTFoMS Usec. Paul Gutierrez, na personal na nag-imbestiga sa krimen, dalawang bagay ang nakikita niyang rason sa pagpaslang sa Broadcaster: una ang pagtuligsa sa mga tiwaling politiko sa Oriental Mindoro, at pangalawa ang pag-atake sa mga operator ng iligal na sugal.
Pero kung ang kapulisan sa Oriental Mindoro ang tatanungin, lagi nilang iginigiit ang anggulo na sangkot sa iligal na droga ang mga salarin, na nasa narco-list ng probinsya. Pesteng yawa!
Ayon pa sa kapulisan, ang isang nasawing gunman na nakilalang si Narciso Ignacio Guntan ay dati na raw nakulong sa iligal na droga, nakasuhan ng frustrated murder, at nagtatrabaho rin sa pergalan (perya-sugalan).
Namatay si Guntan matapos habulin ng kotse ng anak ni Bunduquin at bundulin ang sinasakyang motorsiklo ng mga salarin, kung saan tumilapon si Guntan at nabagok ang ulo, habang ang angkas niya na siya mismong bumaril sa media man, ay nagawang makatakas sa pamamagitan ng pagtakbo.
Sabi ng SITG Bunduquin, tukoy na nila ang nakatakas na gunman na si Isabelo Lopez Bautista, 45, may asawa, residente ng Barangay Alcadesma, Bansud, Oriental Mindoro.
Si Bautista ay hindi pa nahuhuli ng pulisya simula nang paslangin si Bundoquin noong Mayo 31, 2023 sa harap ng kanyang tindahan sa Barangay Santa Isabel bandang alas-4:00 ng umaga.
Sinabi ni Gutierrez, ang isa pang person of interest ay isang opisyal ng probinsya na nagpapatrabaho umano kay Bautista paminsan-minsan bilang driver, at binatikos din ni Bundoquin sa kanyang programa sa radyo.
May tatlong “persons of interest” na ang pulisya sa pagpatay sa brodkaster ng Oriental Mindoro, kabilang dito ang isang police major at lokal na opisyal ng gobyerno sa nasabing probinsya.
Ayon naman sa ilang mga kabaro natin sa hanapbuhay, marapat na imbestigahan umano ang isang mediaman na nagtatrabaho sa City Hall na sinasabing inutusan ng kanyang Boss na kausapin si Bunduquin na itigil na ang pagbanat sa iligal na sugal, dalawang linggo bago itumba si Bunduquin.
TAKE NOTE: personal diumano na nagtungo sa bahay ni Bunduquin ang nabanggit na mamamahayag na empleyado ng gobyerno para muling iparating sa broadcaster ang pakiusap na itigil na ang pagbatikos sa iligal na sugal.
Tanong ng mga mamamahayag sa Oriental Mindoro, bakit walang nasisibak na PNP officials sa nasabing probinsya gayong mahigpit na ipinatutupad ang “One Strike” at “No Take’ Policy” ni PNP chief, General Benjamin Acorda Jr., samantalang pagbanat iligal na sugal ang dahilan ng pagpatay sa broadcaster, upang hindi maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon dahil puro panggigiit ang kapulisan na sangkot sa droga ang mga salarin imbes na tutukan kung sino itong LGU official at Police Major na “sabit” sa Bunduquin murder. Peryod!
Tutukan natin!
@@@
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
275
