ILLEGAL POGO HUB NALANSAG NG NBI XI, 8 DAYUHAN ARESTADO

DAVAO CITY – Bilang pagtalima sa utos ni NBI Director Jaime Santiago na lansagin ang lahat ng nalalabing Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa bansa at criminal networks nito, ipinasara ng National Bureau of Investigation – Southeastern Mindanao Regional Office (NBI SEMRO XI), sa ilalim ng liderato ni Regional Director Atty. Arcelito C. Albao, ang illegal POGO hub na nag-ooperate sa isang residential property sa Davao City.

Isinagawa ang operasyon makaraang magreklamo ang isang residente hinggil sa kahina-hinalang aktibidad na nangyayari sa loob ng isang bahay sa Gardenia Street, Montclair Highlands Subdivision, Buhangin, Davao City.

Sa isinagawang surveillance and verification, nakumpirma ng mga awtoridad ang presensya ng POGO operations sa nasabing bahay.

Sa isinagawang pagsalakay, walong dayuhan na pawang Chinese national, ang nadakip. Nakumpiska sa lugar ang ilang personal computers at mobile phones, na ginagamit sa prohibited gaming operations.

Inihayag ng NBI SEMRO XI na may pattern ang illegal POGO activities: ang mga operator ay nagsimulang mahati sa maliliit na grupo at lumipat sa residential areas upang hindi mapansin kasunod ng nationwide crackdown.

Ang pagbabagong ito ay nangangailangan anila ng patuloy na pagbabantay sa mga komunidad at pagpapatupad ng mabilis na pagkilos ng mga awtoridad.

Ang nadakip na mga indibidwal ay nasa kustodiya ng NBI at sasampahan ng kaukulang kaso, ayon sa isinasaad sa Philippine law.

Ang nasamsam na mga kagamitan ay isasailalim naman sa forensic examination upang ma-trace and digital evidence; at upang matuklasan ang mas malawak na network and financial trail ng operasyon.

(RENE CRISOSTOMO)

38

Related posts

Leave a Comment