IMBESTIGASYON SA BELL-KENZ DOCTORS ITINULOY NG PRC

DAHIL sa umano’y hindi marangal at hindi propesyonal na gawain, itinuloy ng Professional Regulation Commission (PRC) Board of Medicine ang pormal na imbestigasyon sa kasong administratibo laban sa Bell-Kenz Pharma Inc. officials na sina Dr. Luis Raymond Go at Dr. Viannely Berwyn Flores.

Pinuri ni human rights advocate at abogado Lorenzo “Erin” Tañada III ang desisyon ng Board matapos nitong ibasura ang 12-pahinang mosyon ni Dr. Flores para idismiss ang kaso, gayundin ang mga kaluwagang hiningi ni Dr. Go sa kanyang omnibus motion. Iniutos din ng PRC Board na magsumite ang dalawang doktor ng beripikadong sagot o counter-affidavit sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon.

Ayon kay Tañada, na naghain ng reklamong administratibo noong Hulyo, malinaw na kinikilala ng desisyon ng PRC ang bigat ng mga alegasyong kinasasangkutan ng mga doktor kaugnay ng umano’y multi-level marketing (MLM) scheme ng Bell-Kenz—isang isyung nagbubunsod ng seryosong pag-aalala sa etika, conflict of interest, at kapakanan ng pasyente.

“This is a step toward making doctors accountable,” ani Tañada. “We have asserted that the alleged Bell-Kenz scheme goes beyond corporate marketing—its true harm lies in how it compromises the independence and integrity of medical judgment. The PRC Board’s decision finally recognizes that these allegations must be fully investigated.”

Sa resolusyon, binigyang-diin ng PRC Board na sapat ang batayan ng reklamo para magpatuloy ang kaso at malinaw ang paratang na parehong doktor ay lumahok sa hindi etikal at hindi marangal na pag-uugali—isang malinaw na paglabag sa Code of Ethics of the Medical Profession. Giit ng Board, kahit may hiwalay pang imbestigasyon sa ibang ahensya, may kapangyarihan ang PRC na ituloy ang proseso upang tiyakin ang etikal na pamantayan sa medisina.

Ayon kay Tañada, ang pagkakasangkot ng doktor sa isang MLM scheme ay sapat na dahilan para ituring na ‘red flag’.

“The PRC made it clear: ethical violations stand on their own,” aniya. “You cannot hide behind technicalities when the core issue is whether doctors used their profession—and public trust—for commercial gain.”

Tinanggihan din ng Board ang alegasyong kulang sa ebidensya ang reklamo, matapos makita na sinusuportahan ito ng transcript ng mga sinumpaang testimonya ng mga doktor sa pagdinig ng Senado noong nakaraang taon—mga dokumentong isinumite mismo ng nagrereklamo. Ayon sa PRC, ang mga pag-amin sa ilalim ng panunumpa ang nagsilbing pangunahing batayan ng kaso.

Ibinasura rin ang pagtutol na walang legal standing si Tañada na magsampa ng reklamo. Ayon sa Lupon, ang mga administratibong kaso laban sa lisensyadong propesyonal ay usaping may direktang epekto sa publiko at maaaring ihain ng sinomang nagnanais ipagtanggol ang integridad ng propesyon at protektahan ang pasyente.

Para kay Tañada, mahalaga ang posisyong ito.

“Kung ang hindi etikal na pag-uugali ay nakakaapekto sa publiko, ang publiko—sa pamamagitan ng mamamayan, tagapagtaguyod, o mga abogado na tulad ko—ay dapat may karapatang humingi ng pananagutan,” aniya.

Idinagdag niyang ipinapakita ng kaso na ang modelo ng Bell-Kenz ay nagpalabo sa professional boundaries sa pamamagitan ng pagbibigay ng komisyon, downline, at kita sa mga doktor—mga insentibong hindi dapat umiiral sa isang propesyong nakasandal sa tiwala ng pasyente.

Giit ni Tañada, hindi personalan ang reklamo kundi isang hakbang para protektahan ang kredibilidad ng propesyon ng medisina at pigilan ang pag-usbong ng mga katulad na pakana sa sistemang pangkalusugan.

132

Related posts

Leave a Comment