IMBESTIGASYON SA P1.1-B DEPED CONTRACT UUSAD NA

MINSAN pa’y napatunayan ang kahalagahan ng peryodismo sa isang bansang may malayang pamamahayag.

Katunayan, mismong opisyal ng Department of Education ang lumiham sa sumulat kaugnay ng mga naglabasan sa diyaryo kabilang ang SAKSI Ngayon patungkol sa alingasngas na kinasasangkutan ng isang private contractor na nakasungkit ng P1.1 bilyong halaga ng kontrata sa nasabing ahensiya.

Sa isang liham na pinadala sa pamamagitan ng email, sinabi ni Education Undersecretary Salvador Malana na hindi nila hahayaang madungisan ang kanilang ahensiya na maaaring idulot ng kwestiyonableng transaksiyong kinasasangkutan ng JC Palabay Enterprises Inc.

Batay sa mga dokumentong nakalap, nakuha ng JC Palabay Enterprises ang kontratang nagkakahalaga ng tumataginting na P1.1 bilyon sa kabila ng kaduda-dudang dokumentong isinumite nito sa kagawaran nang sumali ito sa bidding para sa paglilimbag ng learning modules na gagamitin ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ngayon papasok na school-year 2021-2022.

Sa deklarasyon ng JC Palabay Enterprises noong 2019, sinasabing mayroon lamang itong total asset na nagkakahalaga ng P10.66 milyon. Nang sumunod na taon, nagdeklara naman ito ng P132.8 milyong total assets.

Kabilang din sa isinumite ng nasabing kumpanya ay ang kanilang Audited Financial Statement at Net Financial Contracting Capacity kung saan malinaw na nakasaad na maaari lamang lumahok ang JC Palabay Enterprises Inc. sa mga government bidding na nagkakahalaga ng P100 milyon pababa.

Gayunpaman, nagawang makuha ng nasabing kumpanya ang isang kontratang 11 ulit na mas malaki kaysa sa kanilang limitasyon batay sa isinumiteng NFCC.

Ito rin ang naging basehan ni Usec. Malana para sa isang malalimang imbestigasyon, at posible rin aniyang kanselahin ang nasabing kontrata ng JC Palabay Enterprises. Maaari rin aniyang tuluyan na nilang idiskwalipika ang nasabing kumpanya sa public biddings ng ahensiya sa hinaharap.

Ani Malana, inatasan na rin niya ang Bids and Awards Committee na siyang nangangasiwa sa procurement ng kanilang kagawaran, na rebisahin ang mga dokumentong isinumite ng nasabing kontratista.

“I have advised the Bids and Awards Committee that handled the procurement of Self-Learning Modules of this, in the hope that a post-procurement assessment may be undertaken. This matter will also be brought to the attention of the Secretary as soon as necessary staff work had been completed,” ani Malana sa kanyang liham.

Tiniyak din ng opisyal na hindi kailanman kukunsintihin o palalagpasin ng kanilang ahensiya ang mga depektibong transaksiyon, mga dinuktor na dokumento para lamang magmukhang kwalipikado ang isang kumpanya sa kanilang bidding process.

“Please have our assurance that, under the leadership of Secretary Briones, the Department will not allow or condone fraudulent and/or corrupt practices, even if these were in the form of misrepresentations made in the course of our procurement processes. We have always emphasized to our stakeholders and participants in the procurement process the strict observance of law and ethical standards,” pagtatapos pa ng opisyal.

Naging kaduda-duda ang mga isinumiteng dokumento ng JC Palabay dahil lumalabas na tanging siya ang nag-iisang negosyong kumita at umunlad sa mga panahong halos lahat ng mga kapitalista ay umaaray sa pagkalugi bunsod ng tigil operasyon ng mga “non-essential businesses.”

Ito rin ang pananaw ng isang government procurement expert na unang nakapanayam ng SAKSI Ngayon.

“Napaka-imposible namang kumita siya ng dalawampung doble sa loob ng panahong halos lahat ng negosyo ay nalugi. May salamangkang naganap. Iyan ang dapat kalkalin ni Education Secretary Leonor Briones,” saad ng nasabing government procurement expert na nagpahayag ng kahandaang lumutang sa sandaling ipatawag ng Senado, Kamara, o ng korte. (FERNAN ANGELES)

151

Related posts

Leave a Comment