IMMIGRATION SUPERVISOR RUMARAKET SA AIRPORT?

BISTADOR Ni RUDY SIM

HABANG naghihintay ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) sa kung sino ang itatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang commissioner at deputy ng ahensya ay tila napakalakas ng loob at walang takot ang isang babaeng immigration supervisor na nakatalaga sa Travel Control Enforcement Unit sa NAIA, sa raket umano nito sa pakikipagsabwatan sa sindikato ng human trafficking.

Ayon sa ating nakalap na tsismis mula sa boypren ni aling Maritess na si SirRaulo, hindi umano masikmura at ‘di sukat akalain ng mga immigration personnel sa paliparan na itong si alias “KS” ang nasa likod (dahil wala sa harap) ng ­pagpapaalis ng mga pasaherong patungo umano ng Dubai at Singapore kahit kulang ang travel documents ng mga ito.

Sa kinang ng salapi lalo sa panahon ngayon ng kahigpitan sa mga umaalis ng bansa ay nasilaw umano ang lady supervisor sa higit P100K kada ulo na singil nito. Sino kaya ang kanilang sinasandalan na opisyal sa BI na nagbigay ng permiso kaya’t ganito na lamang kalakas ang loob ni alias KS?

DOJ Secretary, Atty. Jesus Crispin Remulla, Sir! Paki imbestigahan nga po ito at balasahin na rin ang mga opisyales ng TCEU dahil nakasisira ito sa magandang layunin ni PBBM na malinis ang ahensya laban sa corrupt public officials. Matatandaang noong pumutok ang isyu ng Pastillas scheme ay inalis ni dating BI Commissioner Jaime Morente ang TCEU sa kapangyarihan ng Port Operations Division at inilipat sa OCOM at sa hepe ng Intelligence division.

Kaya’t hindi mawawala sa isipan ng mga matitino at tapat na mga tauhan ng BI na ang Pastillas scheme ay pakana ng isang malaking sindikato upang makuha ang iligal na kinikita sa airport.

Marami sa Immigration Officers na nakasamang nakasuhan ng katiwalian sa Sandiganbayan ang inosente at ginawa lamang na sacrificial lamb ng nakaraang administrasyon ngunit mayroon din namang ilan dito ang talagang kumita sa mga Chinese na pumasok sa bansa.

Samantala, Maraming fake news ang lumalabas sa ahensya na umano’y susunod na magiging commissioner, isa na rito ang asawa ng “singer” na dating confidential agent ng BI intelligence na natanggal noon dahil sa katiwalian.

Isa rin umano sa masipag sa paggapang ng kanyang application bilang BI Commissioner ay ang dating co-terminus official na maging si “Manong” ay kanyang nilapitan at nagmakaawa to the max na tulungan umanong ibalik sa puwesto… Hmm… ‘di ba’t ito rin ‘yung Mama na nagbayad ng P10M sa isang malaking grupo kaya’t nakakuha ng pwesto sa BI? Ilang buwan pa lamang ito sa puwesto ay gumawa ito ng iligal na hakbang upang ­mabayaran ang kanyang inutang sa nego­syante na P10M ngunit agad na nahuli ang kanyang driver dahil sa extortion.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

181

Related posts

Leave a Comment