MAKALIPAS ang 36-taon mula noong 1986 hanggang ngayon ay hindi pa rin makapag-move on ang mga pinklawan.
Tila parang mga sirang plaka na lang na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang kanilang ibinabatong akusasyon sa pamilyang Marcos.
Nariyan na ang walang kamatayan na Martial Law, pagnanakaw, kahirapan at pang-aapi ng pamilyang Marcos sa mga Pinoy.
Maging ang pinag-aralan ni dating Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM) ay ginawan nila ng negatibong isyu.
Okey fine, sabihin na natin magnanakaw, abusado sa kapangyarihan, nagpahirap sa mga Pinoy ang pamilyang Marcos, eh ano ngayon kung gusto ng sambayanang Pilipino na si BBM ang kanilang iboboto?
Kayong mga pinklawan, kung may galit at poot sa inyong mga dibdib sa mga Marcos, ‘wag n’yong idamay ang taumbayan.
Tama ba namang mang-away kayo sa mga supporter ni BBM?
Makatarungan ba ang ginawa ng isang babae na may dalang aso, sa lalaking hindi naman niya kakilala na nagdya-jogging lamang sa UP Diliman, Quezon City ay inaway niya dahil naka-face mask at nakasuot ng kulay pulang t-shirt?
Dahil biktima raw siya ng Martial Law, gusto niya lahat ng mga tao na makakausap niya ay susunod sa kanya sa pagkondena sa pamilyang Marcos? Lutang ka, madam?
Sabi kayo nang sabi na si Marcos ay diktador? Ngayon ano ang ginawa ng babae sa lalaking nagdya-jogging ‘di ba bahagi ‘yun ng pandidikta at pakikialam sa karapatan ng isang tao na pumili kung sino ang gusto n’yang iboto?
Sino ngayon ang nagmukhang walanghiya, si babae ba o ‘yung nagdya-jogging?
Ipinangangalandakan n’yo na ang pamilyang Marcos ay masasama, habang kayo ay nagpapanggap na mga malilinis, wow ha!
Kaya ganun siguro ang mga ugali n’yo dahil sumusunod kayo sa inyong kandidato na isa ring palaaway at nilalait ang supporters ni BBM.
Kaya hindi nakapagtataka kung bakit matabang ang pagtanggap ng taumbayan kay Leni Robredo.
Pati sina Edu Manzano at Cherry Pie Picache ay tao sa tao na ang pangangampanya pero ala pa rin, negatibo pa rin ang resulta.
Mali kasi ang estratehiya n’yo, magpakita kayo ng kabaitan sa taumbayan at ilatag n’yo kung ano ang gagawin ng inyong kandidato ‘pag siya ay nanalo, baka sakali pa madagdagan ang survey ratings ni Robredo.
Kaya lang sori, ala na kayong makukumbinsing supporter ni BBM na lumipat sa inyo, baka pwede pa galing kina Isko Moreno, Ping Lacson at Manny Pacquiao.
Kaya ayon, nananatiling milya-milya ang layo ni Robredo kay BBM sa pinakabagong survey.
Sa Abril 2-6, 2022 ‘Presidential Preference Tugon ng Masa Survey Results’, nakapagtala si BBM ng 57%, samantalang wala pang kalahati si Robredo na may 22% lamang.
Matabang din ang pagtanggap ng Overseas Filipino Workers (OFWs) kay Robredo dahil sa pahayag nito kamakailan na kaya lamang siya tumakbong presidente para hindi makaupo o manalo si BBM.
Sabi tuloy ng isang OFW, ang ina n’yo, ay hindi ina ng bayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
