Inaabangan sa SONA ni Marcos SAHOD, P20/K BIGAS SA LAHAT, MABABANG PRESYO NG BILIHIN

KUNG may inaabangan ang sambayanang Pilipino sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ito ay pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa, P20 kada kilo ng bigas sa lahat ng mamamayan at pagpapababa sa presyo ng iba pang bilihin.

Sa July 28 ng hapon ay mag-uulat sa bayan si Marcos sa ikaapat na pagkakataon, kasabay ng pagbubukas ng 20th Congress na tradisyunal na isinasagawa sa Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.

Sa ambush interview kay ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio kahapon, sinabi nito na ang unang aabangan ng mga tao ay kung iuutos ni Marcos sa mga mambabatas na isabatas na ang legislative wage increase ngayong 20th Congress matapos itong hindi maaksyunan noong nakaraang Kongreso.

“Sa mga surveys, ang number one concern ng mga kababayan natin ay sahod, so hamon sa Malacanang ito,” ayon sa mambabatas.

Maliban dito, kailangang talakayin aniya ng Pangulo ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo, hindi lamang sa mga Kadiwa Centers kundi sa lahat ng mga palengke upang lahat ng consumers ay makabili.

Sa ngayon ay limitado aniya ang mga nagtitinda ng P20 kada kilo ng bigas at ang mga nakakabili ay senior citizens, person with disabilities (PWDs) at single parents kung saan hanggang 10 kilo kada buwan lamang ang pwede nilang mabili.

Ayon kay Tinio, hindi lamang ang mga nabanggit na sektor ang kailangang makabili ng P20 kada kilo ng bigas kundi ang lahat ng consumers lalo na ang mahihirap kaya umaasa ang publiko ng ‘dramatikong aksyon” ni Marcos para mangyari ito.

“Siyempre yung mababang presyo ng iba pang bilihin (ang inaabangan ng mga tao),” ayon pa kay Tinio dahil ang mga usaping ito ay malapit sa sikmura na dapat mailatag ni Marcos sa kanyang SONA.

Umaasa ang mambabatas na hindi bibiguin ni Marcos ang taumbayan na hirap na hirap na aniya sa kanilang kalagayan dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin na hindi nasosolusyunan ng Pangulo sa unang tatlong taon nito sa Malacanang.

(BERNARD TAGUINOD)

22

Related posts

Leave a Comment