‘Inaanak’ iwas-pusoy sa imbestigasyon MARCOS, ROMUALDEZ, ZUBIRI NGANGA KAY PAUL

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NANANATILING tikom ang bibig ni Presidential creative communication adviser Paul Soriano hinggil sa kahihiyang idinulot ng sablay na tourism branding campaign.

Wala ring nagsasalita magmula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ninong sa kasal ni Soriano, hanggang kina Senate President Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.

Bagaman sa mababang kapulungan ng Kongreso ay umaksyon na ang mga militanteng mambabatas na nais ipasiyasat ang anila’y “Frasco Fiasco” sa Department of Tourism (DOT).

Nagpatawag ang mga ito ng imbestigasyon upang alamin ang naging papel ng isang personalidad sa sablay na slogan at promotional campaign ng ahensya.

Hindi man tinukoy ng Makabayan bloc kung sino ang personalidad, naniniwala ang mga netizen na kabilang si Soriano sa mga ipatatawag sa Kamara upang maimbestigahan sa kanyang umano’y naging papel sa kontrobersyal na kampanya.

Hindi tinatantanan sa social media si Soriano na sinasabing nakialam kasama ang kanyang tiyahin na si First Lady Liza Marcos, sa trabaho ng DOT.

Sa inihahandang resolusyon ng Makabayan bloc, inaatasan ng mga ito ang House committee on tourism at committee on good government and public accountability na magsagawa ng joint investigation lalo na’t hindi lamang ang kinabukasan ng turismo sa bansa ang nalagay sa alanganin kundi pera ng bayan ang ginastos dito.

“It is imperative that we shed light on this ‘Frasco fiasco’ to ensure that public funds are being utilized appropriately and that there is no undue influence from individuals associated with the Marcos regime,” pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro.

Ang tinutukoy na “frasco” ay si DOT Secretary Christina Frasco subalit hindi lang ito ang nais nilang ipatawag kundi ang isang personalidad na may matinding koneksyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sangkot umano sa nasabing proyekto.

“Such reports (na pinapelan ng isang personalidad ang DOT campaign slogan at promotional video) raise questions about the intentions and potential conflicts of interest surrounding the implementation of the DOT’s branding campaign,” ani Castro.

152

Related posts

Leave a Comment