INANUSYO ni Vice President Sara Duterte ang kanyang planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Sa isang press conference, sinabi ng Bise Presidente na panahon na umano upang ibalik ang “tapang at malasakit para sa Diyos, bayan at pamilya.” Kasabay nito, humingi rin siya ng paumanhin sa publiko sa pagtulong niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 elections.
“Patawad kung tinulungan ko mahalal si BBM…,” ani Duterte, kasunod ng pagbanggit sa mga isyu tulad ng korupsyon, pagbaha, mataas na presyo ng mga bilihin, at kakulangan sa mga serbisyong panlipunan.
Pinalagan ng Malakanyang
Agad namang tumugon ang Malakanyang sa pahayag ng Bise Presidente.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mas nararapat umanong unahin ni Duterte ang paghingi ng tawad sa taumbayan kaugnay ng mga isyung iniugnay sa nakaraang administrasyon.
“Mas dapat niyang inunang humingi ng tawad sa taumbayan, lalo na sa mga biktima ng EJK,” ani Castro.
Binanggit din nito ang iba pang kontrobersiya tulad ng confidential funds, umano’y pahayag tungkol sa pagkakaroon ng kakilalang assassin, pagpapakalat ng fake news, at ilang personal na biyahe na ginastusan ng pondo para sa seguridad at staff.
Tinukoy rin ni Castro ang mga isyu sa Department of Education (DepEd) noong panahong kalihim si Duterte, kabilang ang umano’y hindi pagre-review sa MATATAG curriculum, mga alegasyon ng fake student vouchers na umaabot umano sa P200 milyon, panis na pagkain na naipamahagi sa mga mag-aaral, at mga hindi naideliber na school materials.
Reaksyon ng Kamara
Sa Kamara, sinabi ni La Union Rep. Paolo Ortega na malinaw umanong bahagi ng political repositioning ang pagdistansya ni Duterte sa administrasyon at nakapaloob ito sa mas malawak na electoral trajectory para sa 2028.
“The announcement removes any ambiguity. The distancing was not rooted in governance reform. It was part of a larger electoral trajectory,” pahayag ni Ortega.
Ayon pa sa kanya, nagsimulang uminit ang sigalot nang maungkat ang isyu ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President (OVP) at DepEd.
“No one disputes the existence of lawful confidential funds. The issue was accountability. Instead of addressing the substantive concerns raised during hearings, the conflict escalated politically,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, likas sa pulitika ang pagbabago ng mga alyansa lalo na kung may usapin ng ambisyon sa pagkapangulo.
“Succession politics reshape alliances. That is reality,” giit niya.
Hinimok din ni Ortega ang publiko na suriin ang kabuuang pangyayari at timeline ng mga kaganapan.
“The Filipino people can evaluate the facts. The chronology speaks for itself,” pagtatapos niya.
(CHRISTIAN DALE/TINA MENDOZA)
3
