IPINAG-UTOS ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chair at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Office of Civil Defense (OCD) at lahat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs) na magsagawa ng regular preparedness drills, infrastructure audits, at retrofitting measures bilang paghahanda sa mga kalamidad, lalo na sa lindol.
Batay sa Memorandum No. 279 na may petsang Oktubre 15, 2025, inatasan ni Teodoro ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na paigtingin ang kanilang earthquake risk reduction measures at tiyaking tuloy-tuloy ang serbisyo publiko kahit sa gitna ng sakuna.
Layunin ng direktiba na:
Palakasin ang family, community, at school preparedness upang maitaguyod ang culture of safety;
Maiwasan ang pagkalat ng misinformation at disinformation na nagdudulot ng panic;
Magsagawa ng comprehensive infrastructure assessments at retrofitting sa mga kritikal na pasilidad;
Magtalaga ng alternate service facilities kung kinakailangan.
Aatasan din ang mga RDRRMCs na makipag-ugnayan sa OCD, DILG, at DOST-PHIVOLCS para sa teknikal na tulong at upang ma-evaluate ang performance ng mga LGU at Local DRRM Offices.
Sa isang pulong ng National Inter-Agency Coordinating Cell (NIACC), ipinag-utos din ni Teodoro ang rebisyon ng local contingency plans upang matiyak na ang mga disaster protocols ay napapanahon at validated.
Bilang executive arm ng NDRRMC, tiniyak ng OCD na patuloy itong makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan upang patatagin ang kahandaan ng bansa sa gitna ng lumalalang banta ng lindol at iba pang kalamidad.
(JESSE RUIZ)
