SA gitna ng panibagong banta ng COVID surge, walang lugar ang hidwaan sa pagitan ng mga tanggapan ng pamahalaan. Sa halip na magpaandar, higit na angkop ang tulungan.
Ito ang dapat sigurong ipaalala sa kontrobersyal na palitan ng patutsada sa pagitan ng gobernador ng Cebu at alkaldeng kalaban sa politika. Giit ng isa, hindi na dapat obligahin ang mamamayan magsuot ng face mask. Pero iba ang paniwala ng kabila.
Sa isang banda, tila wala sa usapin ng kalusugan ang kanilang salpukan kaya naman gumitna ang pamahalaang nasyunal na hayagang naglabas ng kanilang posisyon. Mas mainam mag-ingat kesa magsisi sa bandang huli lalo pa’t nariyan pa rin naman ang banta ng lintek na pandemya.
Hangad ng lahat ang pagbabalik ng normal na pamumuhay. Pero teka, hindi kailangan magmadali kung muli naman tayong malalagay sa alanganin.
Ang totoo, abot-kamay na natin ang pangarap na kalayaang inagaw ng lintek na pandemya. Sa loob ng mahigit dalawang taon, pinairal natin ang disiplina. Sasayangin ba natin ang lahat ng ating pinagsikapan at pinagkagastusan – bukod pa sa mga nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay para lamang tiyakin ang pagtugon sa oras ng ating pangangailangan.
Sa puntong ito, pinakamainam kung hindi tayo magpapaka-kampante.
Bagama’t maluwag na ang pagkilos ng mga tao sa ilalim ng Alert Level 1 na idineklara ng gobyerno, pinakamabisang paraan pa rin ang ibayong pag-iingat ng mga tao. Ang pagsusuot ng face mask, isaalang-alang bilang proteksyon – hindi para sa iyo kundi sa pamilyang dadatnan mo pagkatapos ng mahabang araw ng pagtatrabaho.
Ayon pa sa mga kritiko, masyadong excited lang tayo. Paalala naman ng mga eksperto, samantalahin ang pagkakataong libreng bakunang alok ng gobyerno.
Sa datos kasi ng pamahalaan, bagama’t sapul na ng eligible population ang tinatawag na full vaccination (dalawang turok), nakalulungkot pa rin isiping tila matamlay na ang bakunahan para sa booster shots na ayon mismo sa mga eksperto ay higit na kailangan sa pagsibol ng mga mas nakahahawang sub variants.
Sa madaling salita – wala pang katiyakan ang ating kaligtasan sa ating paglalamyerda sa mga lansangan. Ingat-ingat para ‘di magsisi. Nasa ating kamay ang ating kaligtasan, wala sa pamahalaan.
