Inihalintulad ng solon sa ‘paper tiger’ ICI WALANG BANGIS, WALANG NGIPIN

WALANG natatakot sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) dahil isa lang umano itong “paper tiger” — komisyong walang ngipin at kakayahang managot ang mga tiwaling opisyal sa flood control projects.

Ito ang matinding pahayag ni House Deputy Minority Leader at Caloocan Rep. Edgar Erice, na muling nanawagan ng special session sa Kongreso upang maipasa ang panukalang batas na magtatatag ng tunay na independent anti-corruption body.

“Nakita naman natin na kulang na kulang sa authority ang ICI. Siguro nababasa ninyo ang mga komento ng ating mamamayan… walumpung araw na mahigit ang nakalipas, eh wala pa ring nangyayari,” ayon kay Erice.

Giit ng kongresista, kailangang maipasa ang kanilang House Bill 4453 na magtatatag ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) — isang komisyong may totoong kapangyarihan na makapaghahabol sa mga opisyal na sangkot sa anomalya sa mga proyekto ng imprastruktura.

Ayon kay Erice, ang kasalukuyang ICI na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay walang tunay na kalayaan dahil ang executive branch ang nagpapasweldo rito, at pwede itong buwagin ng pangulo anumang oras.

“Hindi ito independent. Ang nagpapasweldo ay ang Malacañang. Anytime, pwede itong i-abolish. Wala, parang paper tiger lang talaga,” saad ni Erice.

(BERNARD TAGUINOD)

8

Related posts

Leave a Comment