Inilaang P340-M pondo sinilip sa Kamara BIDDERS SA PCSO ADVERTISEMENTS PINALALANTAD

NANGHIHINAYANG ang mga mambabatas sa Kamara sa pondong inilaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa kanilang advertisement kaya nais nilang malaman kung sino ang mga kumpanyang nakakuha nito.

“Instead of using its budget on advertisements, we are urging PCSO to focus on charity and help people with medical needs such as psoriasis,” direktiba ni Anakalusugan party-list Rep. Ray Reyes.

Nanghihinayang ang mambabatas sa P340 million na inilaan ng PCSO sa advertisement gayung kahit hindi aniya ito kailangan dahil tinatangkilik naman ng mga tao ang lotto.

Magugunita na inamin ng PCSO na mula sa P19 million na pondo para sa advertisement noong 2022 ay naging P340 million ito ngayong taon kung saan mula Enero hanggang Hulyo 2023 ay P127 million na umano ang nagastos ng mga ito mula sa nasabing pondo.

Ipinaliwanag ni Reyes na itinayo ang PCSO para makalikom ng pondo sa charity at hindi para gastusin lang sa advertisement lalo na’t hindi naman aniya tumaas ang benta ng lotto sa ibinuhos na pondo.

“If the advertising didn’t work, nakakapanghinayang dahil malaking halaga din ang 340 million. Ilang ambulansya na sana ang naipamigay sa mga nangangailangang komunidad, o di kaya medical assistance at gamot para sa libo-libong kababayan natin,” ani Reyes.

Maging si Pasig City Rep. Roman Romulo ay nalalakihan sa P340 milyon kaya pinagsumite nito ng record ang nasabing ahensya kung sino ang mga nanalong bidder upang mabusisi.

Ayon kay Romulo, kailangang alamin saan talaga nagamit ang pondong ito dahil pera ng taumbayan ang ang nakataya rito na dapat ginagastos sa mga may sakit at hindi sa mga bagay na walang kinalaman sa charity.

(BERNARD TAGUINOD)

243

Related posts

Leave a Comment