INSENTIBO SA MGA BAKUNADO

IMINUNGKAHI ng Department of Trade and Industry na bigyan ng insentibo ang mga nakakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19.

Partikular na tinukoy ni DTI Sec. Ramon Lopez, ang mga nasa dine-in at personal care services.

Ani Lopez, ito ay para mahikayat ang mamamayang Filipino na magpabakuna at higit sa lahat ay buhayin ang ekonomiya.

Dagdag ni Lopez, kailangan pareho ang maging panuntunan sa mga establisimyento at pagsakay sa mga pampublikong transportasyon.

Sa huling anunsyo ng Palasyo, mananatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) status ang National Capital Region (NCR) hanggang Setyembre 7.

Nagdesisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na panatilihin din sa MECQ ang Apayao, Ilocos Norte, Bulacan at Bataan sa Region 3, Cavite, Lucena City, Rizal at Laguna sa Region 4-A for Luzon; Aklan, Iloilo Province at Iloilo City sa Region 6, Lapu-Lapu City, Cebu City at Mandaue City sa Region 7 para sa Visayas; at Cagayan de Oro City para sa Mindanao.

Ang NCR, Bataan at Laguna ay kailangan namang magdagdag ng paghihigpit sa dining, personal care services at religious activities.

Samantala, ang Ilocos Sur, Cagayan, Quezon at Batangas sa Region 4-A, at Naga City para sa Luzon; Antique, Bacolod City at Capiz sa Region 6, Cebu Province at Negros Oriental sa Region 7 para sa Visayas; Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao City, Davao del Norte, Davao Occidental at Davao de Oro sa Region 11 at Butuan City para sa Mindanao ay isinailalim sa general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions.”

Isinailalim naman sa GCQ ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region, Santiago City, Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya sa Region 2, Tarlac sa Region 3, at Puerto Princesa sa Region 4-B para sa Luzon; Guimaras at Negros Occidental sa Region 6 para sa Visayas; Zamboanga Sibugay, Zamboanga City at Zamboanga del Norte sa Region 9, Davao Oriental at Davao del Sur sa Region 11, General Santos City, Sultan Kudarat, Sarangani, North Cotabato at South Cotabato sa Region 12, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at

Dinagat Islands sa CARAGA, at Cotabato City sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa Mindanao.

Ang iba pang lugar na hindi nabanggit ay isinailalim naman sa MGCQ.

Magsisimula itong maging epektibo sa September 1 hanggang September 7, 2021. (CHRISTIAN DALE)

102

Related posts

Leave a Comment