2 EXTORTIONIST ARESTADO SA BOC

extortion-2

(Ni JOEL O. AMONGO)

Arestado sa Bureau of Customs (BOC) ang dalawang lalaki matapos mangolekta umano ng pera mula sa stakehol­ders ng ahensya nitong nakaraang Setyembre 2.

Nakilala ang mga nadakip na sina Gerardo Bundalian a.k.a Jerry at Noel Panganiban.

Ayon kay Deputy Commissioner Raniel Ramiro ng BOC-Intelligence Group (IG), bago naaresto ang da­lawa ay may ulat na nakarating sa ahensya na mayroon umanong na­ngongolekta at nanloloko sa BOC stakeholders, na nagsasabing sila ay nagtatrabaho sa ilalim ng IG.

Nanghihingi umano ng  pera  ang nagsasabing taga-IG personnel sa consignee Moriel.

Dahil dito, sa tulong ng complainant, isang case conference ang isinagawa sa labas ng BOC noong Agosto 23, 2019 na kung saan ay dinaluhan ng operations manager ng consignee kasama ang kinatawan mula sa National Bureau of Investigation (NBI), BOC at ng  Armed Forces of the Philippines (AFP).

Base sa report ng complainant, isang alyas Jerry, na nagsasabi na siya ay BOC-IG collector na mayroong kinolekta na halaga mula sa consignee Moriel sa pamamagitan ng processor noong Agosto 12, 2019 sa Max Resto Harbor Mall na nagkakahalaga ng P21-K para sa pag-release ng 14 containers at noong Agosto 16, 2019 sa food court ng Harrison Plaza na P27-K para sa panibagong 18 containers.

At ang ikatlong kolekta nito ay noong Agosto 23, 2019 subalit nabago at mu­ling itinakda noong Setyembre 2, 2019 na nagresulta na sa pagkakaaresto ng dalawa sa isinagawang entrapment operation ng BOC-IG sa tulong ng NBI, AFP at ng Philippine Coast Guard (PCG).

Lumabas sa imbestigasyon na ang dalawang suspek ay hindi empleyado ng Customs, kung kaya’t agad dinala ang mga ito sa NBI para sa imbestigasyon at sampahan ng kaukulang kaso.

Lumitaw pa sa imbestigasyon, na sa mobile phone ng mga suspek ay may  80 pangalan na kanilang sinubukan na makipagtransaksyon para sa BOC.

Matatandaang, nakahuli na rin noong nakaraang Mayo 20, 2019 ang BOC-IG ng dalawang bogus brokers na pinaghihinalaang na­ngingikil din sa stakeholders na kalaunan ay nadakip din sa pinagsanib na entrapment operation ng Customs-IG at NBI.

Gayundin  noong Hul­yo 12, 2019 naaresto rin ng IG ang dalawang suspek na sangkot umano sa hindi awtorisadong pagbebenta ng  items mula sa BOC.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng BOC ang stakeholders at ang Customs employees na manatiling mapagmatyag at i-report agad ang iregularidad na nangyayari sa pamamagitan ng BOC text hotline 8484.

122

Related posts

Leave a Comment