IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
BAGONG taon, bagong pag-asa para sa lokal na mga magsasakang Pinoy ang pagpasok ng taong 2024.
Kaya nga lang, ang pag-asang ito ay napapalitan ng bagong pangamba dahil tuwing sasapit ang Ber months (September, October, November at December) ay simula na rin ang pagdagsa ng smuggled na agri-products.
Ito rin kasi ang panahon ng paglakas ng pangangailangan o demands ng agri-products dahil sa preparasyon sa pagdating ng holiday seasons o Kapaskuhan.
Kaliwa’t kanan ang mga handaan, nariyan na ang mga Christmas party, reunion ng mga magkakaklase at pagtitipon-tipon ng mga kamag-anak sa araw ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Kaya sa panahon na ito, marami ang pangangailangan sa mga sangkap na pangluto tulad ng sibuyas, bawang, karots, luya, at maging ng mga gulay tulad ng repolyo at iba pa.
Siyempre, kasabay niyan ang pagtaas din ng demands para sa karne, bigas, isda, asukal, at iba pang mga produkto na ginagamit ng mga tao para sa kanilang panghanda sa holiday seasons.
Kaya sa pagpasok pa lang ng Ber months ay simula na rin ng pagdami ng kaso ng smuggling ng nabanggit na mga produkto.
Ito na sana ang pagkakataon na kumita ang lokal na mga magsasaka natin dahil malaki ang mga pangangailan natin sa mga produktong ito.
Ang problema, ang nakikinabang dito ay ang smugglers dahil buwan pa lang ng September ay simula na rin ang kanilang pamamayagpag sa smuggling activities.
Sa halip na sila ay kumita, lalo pa silang nalulubog dahil hindi nila kayang makipagkumpetensya sa sobrang baba ng presyo ng mga produktong mula sa smuggling.
Siyempre nga naman, hindi sila nagbabayad ng taripa sa pagpasok ng kanilang mga produkto sa Pilipinas kaya bagsak presyo ang mga ito.
Dahil dito, talo ang ating lokal na mga magsasaka hanggang sa mabulok na lamang ang kanilang mga inani.
Malaking tulong sana sa mga magsasaka kung masusugpo ang smuggling activities sa agri-products kaya nga lang ay nagiging paulit-ulit na lang ito tuwing sasapit ang Ber months sa bawat taon.
Isa pang malaking suliranin na kinahaharap ng lokal na mga magsasaka ay ang El Niño phenomenon o tagtuyot ngayong 2024.
Imbes na bagong taon, bagong pag-asa para sa mga magsasakang Pinoy ang taong 2024, ito ay napalitan ng bagong taon, bagong pangamba para sa kanila.
Ika nga sa ilang nakausap ng “Imbestigahan Natin” na mga magsasaka, himala na lang ang kanilang pag-asa para makabawi sila ngayong 2024.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
252