SA pagtatapos ng 4th Asian Defense and Security Summit 2022 World Trade Center, ibinida ng Bureau of Customs (BOC) ang bangis ng kawanihan sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga sindikato sa likod ng smuggling operations sa bansa.
Sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya mula sa bansa sa mga karatig bansa sa Asya, ipinamalas ng mga tanggapan sa ilalim ng kawanihan ang mga kakayahang tumugon ng BOC hindi lamang laban sa mga smugglers kundi maging sa mas matinding hamon ng kalakalan.
Magkatuwang na inilahad ng BOC-Enforcement and Security Service, Public Information and Assistance Division, General Services Division, Port of Manila-Customer Care Center, Accounting Division, at Budget Division ang mga tampok na mekanismong pinaiiral ng ahensya sa larangan ng Defense and Security, Crisis and Disaster Management at mga makabagong kagamitang kontra smuggling, misdeclaration,undervaluation, pagtataya at paglikom ng buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.
Ang taunang Asian Defense and Security Summit ay idinaraos sa hangaring sukatin ang bisa, lakas, kapasidad at maging ang kakulangan ng mga lumahok na ahensya.
Kabilang sa mga itinampok ng BOC ang mga makabagong Fast Patrol Boats na gamit ng iba’t ibang tanggapan sa ahensya sa 17 district offices sa pagtugis ng mga piratang dagat, inspeksyon ng mga cargo ships at pagtugon sa mga hindi inaasahang kaganapan sa karagatang sakop ng bansa.
Pasok din ang mahabang talaan ng enforcement assets tulad ng mga body camera, handheld inspection devices na gamit sa inspeksyon, GETAC K120 Fully-Rugged Tablets, BWC Docking Stations, at iba pa.
Hindi rin pinalampas ng kawanihan ang kakayahang tumunton ng droga, sensitibong kemikal at mga pampasabog na nakakubli sa mga bagahe at kargamento – nang hindi na kailangang buksan ang hinihinalang kontrabando.
Maging ang bisa ng makabagong kagamitang may kapasidad na tumukoy ng mga palsipikadong salapi ng iba’t ibang bansa, bumida rin sa summit.
Giit ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, malayo na ang narating na pagbabago sa kawanihang dati
lang kilala sa talamak na katiwalian. Patunay aniya nito ang ISO-Certifications na na- sungkit ng iba’t ibang tanggapan ng BOC sa nakalipas na tatlong taon.
Aniya, mas paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang husay ng kawanihan sa hangaring makapagsampa ng mas malaki pang pondong kailangan ng pamahalaan bilang pantugon sa patuloy na banta ng pandemya.
111