Mahigit P100-M halaga ng iba’t ibang illegal drugs nasabat
(Ni JOEL O. AMONGO)
Aabot sa mahigit P100 milyong halaga ng iba’t ibang klaseng ilegal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) mula Setyembre hanggang ngayong buwan ng Oktubre.
Sa report, lumitaw na noong nakaraang buwan, nakasabat ang Customs NAIA ng P35.1 milyong halaga ng shabu mula sa isang pasahero sa tulong na rin ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang physical examination gamit ang dog sniffing.
Nakuha ang naturang ilegal na droga sa iniwang bagahe ng pasahero na sakay ng Philippine Airlines Flight No. PR 596 mula Hanoi, Vietnam.
Samantala, nasabat naman ng Customs-NAIA ang anim na boteng Liquid Marijuana na idineklarang “ULEI CBD full plant extract” sa loob ng shipment mula Romania noong Setyembre 20, 2019.
Ito’y matapos ang isinagawang 100% physical examination ng Customs examiner sa nasabing bagahe na sinaksihan ng kinatawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Post Office (PHILPOST), Customs Anti-illegal Drugs Task Force (CAIDTF), X-ray Inspection Project (XIP), Enforcement Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Nang isailalim sa eksaminasyon ng PDEA ang nasabing liquid substance ay nagpositibo ang resulta ng presensiya ng TETRAHYDROCANNABINOL, isang substance na nakita sa Marijuana.
Nakasilid ito sa mga box na may label na “Lady Mary Farm Cannabidiol CBD Oil BIO” na nakabalot ng PHILPOST tracking no. CO979705967RO, naka-consign kay Jeffrey Ciabal Perez ng 0690 Purok 6 San Lucas 2, San Pablo City, Laguna, at ipinadala sa pamamagitan ng BAYER JASILICA ng Gr. Miko Imre, Sf. Gheorghe, Romania.
Dahil dito, kinasuhan si Perez dahil sa paglabag sa Section 4 ng Importation of Dangerous Drugs at Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Gayunpaman, nitong Oktubre 7, umabot naman sa P54 milyong halaga ng shabu ang nasabat ng ahensiya mula sa isang pasaherong Indonesian.
Ang Indonesian ay nakilalang si Agnes Alexandra na dumating mula Siem Reap, Cambodia sa NAIA Terminal 3 via flight 5J 258.
Ayon sa report, nang isailalim sa X-ray scanning ang naturang bagahe ay nakita ang images ng pinaghihinalaang dangerous drugs at matapos ang 100% physical examination ay tumambad ang crystalline substances na nakabalot ng aluminum foil at nagpositibo sa shabu nang isinailalim sa test ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF).
123