(Ni JOEL O. AMONGO)
Binuo ng Bureau of Customs (BOC) ang Environmental Protection and Compliance Division (EPCD) na siyang magmo-monitor at magkokontrol sa pagpasok sa bansa ng mga hazardous substance.
Ito’y bilang tugon sa direktiba ni Finance Secretary Carlos Dominguez III kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero na bumuo ng special strike team para bantayan ng 24/7 ang pagpasok sa bansa ng waste materials gayundin ang mga magtatangkang magtapon ng kanilang basura sa Pilipinas.
“This strike team should work in tandem with other concerned government agencies in mounting a 24/7 watch over, and prevent, the entry of hazardous or toxic wastes into our country, in keeping with our environmental laws,” ayon kay Dominguez.
Inisyu ni Dominguez ang direktiba noong nakaraang Hulyo sa isinagawang miting ng Department of Finance (DOF) Executive Committee (Execom) matapos iulat ni Guerrero na tinawagan siya ng kanyang counterparts sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para palakasin ang law enforcement capabilities ng organization’s member-states.
Ang pagpapalakas ay hindi lamang laban sa drug trafficking, kundi labanan ang rehiyon mula sa mga gumagawa ng pagtatapon ng hazardous materials at wastes ng ibang bansa.
Ang pagbuo ng EPCD ay nakapaloob sa Customs Memorandum Order (CMO) No. 38-2019, na kung saan ito’y magiging permanente at gawing specialized unit sa loob ng ahensya
Sa mandato ng EPCD, nasasakop nito ang monitoring ng pagproseso ng shipments ng hazardous substances, waste products, nuclear wastes, recyclable products o substances na nasa ilalim ng regulatory control ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang bagong division, na kung saan nasa ilalim ng BOC’s Enforcement and Security Service (ESS) of the Enforcement Group (EG) ay naatasan din na magrekomenda sa pag-isyu ng alert orders and pre-lodgment control orders laban sa shipments ng pinaghihinalaang naglalaman ng goods na may paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at environmental laws.
Bukod dito, naatasan din ito na mag-imbestiga sa mga kaso at gumawa ng rekomendasyon para sa prosekusyon sa mga lumabag sa CMTA at iba pang paglabag na may kaugnayan sa kapaligiran.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1999, ang BOC bilang isa sa mga regulatory agencies ay tutulong sa DENR sa pag-monitor at pipigil sa pagpasok ng hazardous and nuclear wastes sa bansa.
Sa nabanggit pa ring miting, iniulat ni Guerrero na ang ibang ASEAN member-states tulad ng Malaysia ay nagpasalamat sa Pilipinas sa 28th meeting ng ASEAN Directors-General of Customs na ginawa sa Lao Republic sa ginawang desisyon ni Pangulong Duterte na agad ipabalik sa Canada ang 69 containers ng basura na itinapon sa bansa.
“Malaysia was thanking the Philippines for setting the example, this problem about the wastes, because now it has come to the consciousness of the international community, this garbage problem,” ayon pa kay Guerrero.
158