(Ni Joel O. Amongo)
Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng korte ang isang Colombian na inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Anti-Illegal Drugs Task Force (AIDTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakuhanan ng P8.9 milyon halaga ng cocaine na kanyang nilunok.
Batay sa ibinabang desisyon ni Presiding Judge Maria Sophia Tirol Solidum-Taylor ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 31, hinatulan nito ng habambuhay na pagkabilanggo ang akusadong si Alberto Pedraza Quijano, 67, kilala sa Colombia bilang “The Swallower” matapos mapatunayang ‘guilty beyond reasonable doubt’ sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Maliban sa habambuhay na pagkabilanggo, inutusan din ng korte si Quijano na magbayad ng P2 milyon multa.
Matatandaan na inaresto ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad batay sa intelligence report mula sa US Homeland Security kaugnay sa modus-operandi sa paglunok ng ilegal na droga.
Si Quijano ay dumating sa bansa sakay ng Emirates Airlines Flight EK332 mula sa Dubai at inaresto habang palabas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nadiskubre ng isalang sa x-ray sa Pasay General Hospital ang 79 na rubber pellets ng cocaine na nilunok ni Quijano at inilabas din nito matapos manatili ng 24-oras sa ospital.
Batay sa rekord, ilang beses na umanong pabalik-balik sa bansa si Quijano na may pagkakakilanlan bilang miyembro ng isang foundation.
164